27 Oktubre 2023
Biyernes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 7, 18-25a/Salmo 118/Lucas 12, 54-59
Screenshot: 23 MARCH 2019 | 5PM Anticipated Mass (Quiapo Church Facebook Page)
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay nakasentro sa Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Oo, tiyak na maraming ulit na nating pinagnilayan ang katotohanang ito tungkol sa ating pananampalataya, lalung-lalo na tuwing sasapit ang Mahal na Araw. Subalit, ito ang dahilan kung bakit nagkakatipon tayo bilang Simbahan. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroon tayong pagkakataong ibigin, panaligan, at sambahin Siya. Ito rin ang dahilan kung bakit tayong lahat ay mga deboto ng Poong Jesus Nazareno. Niloob Niyang maging Kaniyang mga deboto ang bawat isa sa atin.
Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa pagiging manhid ng mga tao sa mga tanda sa kasalukuyan. Ito ang dahilan kung bakit nasabi ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga salitang ito sa Ebanghelyo: "Marunong kayong bumasa ng palatandaan sa lupa't langit, bakit hindi ninyo mabasa ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?" (Lucas 12, 54). Katunayan, ang mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga tao sa Ebanghelyo ay tungkol rin sa pagtanggap at pagkilala nila sa Kaniyang. Hindi napagtantong ng mga tao noon na nasa kanilang piling ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos sa lahat ng tao. Dumating si Jesus Nazareno upang iligtas ang sangkatauhan, ngunit ang katotohanang ito tungkol sa Kaniyang pagkakilanlan ay lingid sa kanilang kaalaman.
Nakasentro sa biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang patotoong ibinahagi ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Inihayag ni Apostol San Pablo na siya'y naligtas mula sa kaniyang miserable at kaaawa-awang kalagayan sa buhay bilang makasalanan dahil lamang sa biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil sa kaligtasang kaloob ng Poong Jesus Nazareno, ang buhay ni Apostol San Pablo at ng iba pang mga banal ay nagbago.
Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, "Poon, ituro Mo sa 'kin ang utos Mo upang sundin" (Salmo 118, 68b). Kapag binuksan natin ang ating mga sarili sa biyaya ng kaligtasang kaloob ng Poong Jesus Nazareno, magkakaroon ng bagong buhay ang bawat isa sa atin. Ang bagong buhay na ito na bunga ng kaligtasang hatid ng Poong Jesus Nazareno ay isang buhay na banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Mamumuhay tayong tumatalima sa Diyos. Laging bukas ang ating mga puso at isipan sa kalooban ng Panginoon. Ito ang bagong buhay na bunga ng pagliligtas ni Jesus Nazareno, ang ating Panginoon at Manunubos.
Dahil sa Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay naligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Tayong lahat ay nagkaroon rin ng pagkakataong tanggapin ang isang panibagong buhay bilang mga tapat at masunuring anak ng Diyos dahil sa Poong Jesus Nazareno. Kaya, gayon na lamang ang pagpapahalaga ng Simbahan sa misteryo ng pagliligtas ng Diyos na inihayag sa lahat sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento