Linggo, Oktubre 15, 2023

ANG KANIYANG NAISIN AT KINASUSUKLAMAN

29 Oktubre 2023 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Exodo 22, 20-26/Salmo 17/1 Tesalonica 1, 5k-10/Mateo 22, 34-40 

SCREENSHOT: [10.30.2018 - 12:15 NN TV Maria #MisaNazareno (Quiapo Church Facebook page)


Nakasentro sa mga naisin at kinasusuklaman ng Panginoon ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay tinatanong ng Simbahan kung ano ang ating pasiya para sa ating buhay. Ano ba ang mga katangiang pipiliin? Pipiliin ba natin ang Kaniyang naisin o ang Kaniyang mga kinasusuklaman? Mamumuhay ba tayo nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin o mamumuhay ba tayo nang kasuklam-sukalm tayo sa Kaniyang paningin? Huwag nating kakalimutang hindi tayo mamumuhay sa mundong ito magpakailanman. Ang buhay natin sa mundong ito ay pansamantala lamang. 

Sa Unang Pagbasa, malakas na inihayag ng Diyos na kinasusuklaman Niya ang pang-aapi sa kapwa, lalung-lalo na yaong mga itinuturing na maliliit o hindi mahalaga sa lipunan tulad ng mga taga-ibang bayan, balo, at ulila (Exodo 22, 20-21). Hindi Niya kinalulugdan ang mga mapang-api. Kasuklam-suklam ang pang-aapi sa kapwa, lalo na sa mga itinuturing na maliliit at nasa ibaba sa lipunan. Labis na nasasaktan ang Diyos kapag nasisilayan Niya mula sa langit ang pang-aapi sa tao, lalung-lalo na sa mga walang kalaban-laban dahil sila'y itinuturing na maliliit at nasa ibaba ng lipunan. Walang sinuman ang dapat apihin. Mahalaga sa Diyos ang lahat. 

Ang Salmong Tugunan, Ikalawang Pagbasa, at Ebanghelyo ay nakasentro naman sa mga katangiang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Sa Salmong Tugunan, ang pag-ibig ng Diyos ay pinatotohanan ng tampok na mang-aawit. Dahil sa pag-ibig na ito ng Diyos na Siyang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang palakasin ang lingkod Niyang ito, buong kababaang-loob, pananalig, at galak na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang tapat at taos-puso niyang pag-ibig para sa Diyos. Nakasentro naman sa dalisay at taos-pusong pag-ibig at pagsamba sa Panginoong Diyos ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang pag-ibig para sa Diyos ay dapat maging tapat, dalisay, at taos-puso. Dapat rin nating ialay ito sa Kaniya nang buong-buo. Walang dapat kaagaw ang Diyos. Dapat sa Kaniya ialay ang lahat ng iyon. Hindi dapat magkaroon ng kaagaw ang Panginoong Diyos. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno ang pinakamahalagang utos na ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip at ibigin rin ang kapwa gaya ng sarili bilang tugon sa tanong ng mga Pariseo sa Kaniya (Mateo 22, 37-39). Upang maging tapat, dalisay, at taos-puso ang ating pag-ibig para sa Diyos, dapat rin nating mahalin ang kapwa gaya ng sarili. Kapag inibig rin natin ang kapwa gaya ng sarili, ang ating tapat, dalisay, at taos-pusong pag-ibig para sa Panginoong Diyos ay ating napapatunayan. Dahil sa ating tapat, dalisay, at taos-pusong pag-ibig para sa Panginoong Diyos, tinatanggap natin ang Kaniyang naisin na maging mga masigasig na tagapaghatid ng Kaniyang pag-ibig. 

Tayong lahat ay tinatanong sa Linggong ito. Ang mga ninanais ng Panginoong Diyos o ang Kaniyang mga kinasusuklaman? Alin sa mga ito ang pipiliin nating isabuhay? Ang Panginoong Diyos ba ay ating iibigin, pananaligan, at sasambahin? O mayroon bang kaagaw at kapalit ang Panginoon? O kaya naman walang puwang at halaga sa ating buhay ang Diyos? Pagpasiyahan natin ito nang mabuti. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento