2 Nobyembre 2023
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/Roma 8, 31b-35. 37-39/Juan 14, 1-6
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) San Michele Arcangelo libera le anime del purgatorio by Jacopo Vignali (1592–1664), as well as the work of art itself from the Cappella Tornaquinci, is in the Public Domain ("Public Domain Mark 1.0 Universal"/"No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States of America, due to its age.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na hindi natin matatagpuan dito sa mundong ito ang walang hanggan. Ang buhay dito sa mundong ito ay pansamantala lamang. Hindi tayo mabubuhay sa daigdig na ito magpakailanman. Isang patunay ng katotohanang ito ay ang dami ng mga puntod sa mga sementeryo. Ang buhay natin sa mundong ito ay mayroong hangganan.
Kung hindi natin matatagpuan sa mundong ito ang buhay na walang hanggan, saan natin ito matatagpuan? Sa kabilang buhay lamang natin matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi nating sumakabilang-buhay na ang mga yumao nating kapatid. Tumatawid sila mula sa pansamantalang buhay na ito dito sa lupa patungo sa buhay na walang hanggan. Iyon nga lamang, sa kabilang buhay rin nating matatagpuan ang kaparusahang walang hanggan.
Sa Unang Pagbasa, ang pinuno ng Israel na si Judas Macabeo ay nanalangin nang taimtim para sa mga yumao. Taimtim siyang nag-alay ng mga panalangin at handog alang-alang sa mga pumanaw. Sa pamamagitan nito, ipinakita niyang nananalig at umaasa siya nang lubos sa pangako ng walang hanggang Paraiso. Nakasentro rin sa pangakong ito ang mga salita sa Salmong Tugunan. Inilarawan sa Salmo ang dahilan kung bakit mayroong buhay na walang hanggan - ang dakilang awa, habag, at pag-ibig ng Diyos. Dahil dito, inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na hindi tayo maihihiwalay ng anumang pagsubok sa mundong ito mula sa Panginoong Diyos. Ganoon ka-dakila ang pag-ibig, habag, at awa ng Panginoon. Katunayan, ito rin ang mismong dahilan kung bakit dumating sa mundong ito ang Daan, Katotohanan, at Buhay na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, sa mga huling sandali bago Siya dakpin ng Kaniyang mga kaaway, inihayag ni Jesus Nazareno na Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay. Ang mga salitang ito ay binigkas ng Poong Jesus Nazareno bilang paliwanag ng Kaniyang pakay sa lupa. Dumating Siya nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Diyos.
Ang mga yumao nating kapatid sa Purgatoryo ay pansamantalang nililinis bilang paghahanda para sa kanilang pagpasok sa langit. Katulad natin, nananalig at umaasa rin sila sa pangako ng buhay na walang hanggan kapiling ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Upang mapabilis ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo, kailangan nating mag-alay ng mga panalangin para sa kanila.
Habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na namumuhay at naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala, ipaghanda natin ang ating mga sarili para sa pagtamo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa langit. Ito ang dapat nating gawin bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan. Huwag nating sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang ihanda ang ating mga sarili para sa pagtamasa sa biyayang ito sa pamamagitan ng pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento