20 Oktubre 2023
Biyernes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 4, 1-8/Salmo 31/Lucas 12, 1-7
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Panginoong Hesukristo sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay muling nakasentro sa Kaniyang biyaya, pag-ibig, at habag. Katunayan, ito ang inilalarawan ng imahen ng Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang biyaya, pag-ibig, at habag, ang Banal na Krus ay kusang-loob na ipinasiyang harapin at pasanin ni Kristo, gaya ng inilalarawan ng nasabing imahen. Ito ang dahilan kung bakit iniisip natin ang larawan ng Panginoong tumatayo matapos masubasob mula sa bigat ng Krus kapag naririnig ang salitang "Nazareno." Dahil sa Kaniyang biyaya, pag-ibig, at habag, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi nagpatalo sa bigat ng Krus. Bagkus, matapos masubasob, ang Señor ay tumayo upang ipagpatuloy ang pagpasan sa Krus na pagpapakuan sa Kaniya sa bundok ng Golgota na kilala rin bilang Kalbaryo para sa ating kaligtasan.
Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa mga Kristiyano sa Roma kung paanong ang ama ng pananampalataya na si Abraham ay pinawalang-sala ng Diyos. Dahil ipinasiya ni Abraham na manalig sa Panginoong Diyos, binuksan niya ang buo niyang sarili sa biyaya ng Diyos na nagdudulot ng kalinisan at kaligtasan. Kaya naman, si Abraham ay hindi nagdalawang-isip na ihain si Isaac noong sinubok siya ng Panginoong Diyos na ihandog ang kaniyang anak na si Isaac sa Panginoon, bagamat tunay nga namang napakasakit iyon para kay Abraham (Genesis 22, 1-18). Sa Salmo, isinalungguhit kung paanong ang pagtulong at pagtubos ng Panginoong Diyos ay mga tanda ng Kaniyang habag, pag-ibig, at biyaya.
Nakasentro sa pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa biyaya, pag-ibig, at habag ng Diyos. Dahil sa biyaya, pag-ibig, at habag ng Diyos, tayong lahat ay lagi Niyang ipinagsasanggalang at kinakalinga. Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kahinaan, pagkukulang, at kasalanan, ipinasiya pa rin ng Diyos na kalingain, ingatan, biyayaan, kahabagan, at mahalin tayo. Ang Diyos ay ating maaasahan sa lahat ng pagkakataon dahil ipinasiya Niya tayong biyayaan, mahalin, at kahabagan.
Dahil sa Kaniyang biyaya, pag-ibig, at habag, ipinasiya ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ito ang tanging dahilan kung bakit tayo nagkakatipon araw-araw bilang Simbahan upang magpuri, magpasalamat, at sumamba sa Panginoong naghatid sa atin ng kaligtasan at kalayaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento