Biyernes, Oktubre 6, 2023

PANSAMANTALA LAMANG ANG ATING BUHAY SA MUNDO

13 Oktubre 2023 
Biyernes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Joel 1, 13-15; 2, 1-2/Salmo 9/Lucas 11, 15-26 

Screenshot: #QuiapoChurch Official 7PM #OnlineMass 02 September 2023 | 22nd Sunday in Ordinary Time (Facebook and YouTube


Tila kabalintunaan ang mga salitang binigkas ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Joel sa Unang Pagbasa. Ang mga salita sa Unang Pagbasa para sa araw na ito, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay tungkol sa Araw ng Panginoon. Ibang-iba ito sa mga karaniwang larawan ng Araw ng Panginoon. Sa halip na ilarawan ang Araw ng Panginoon bilang isang araw ng galak at pag-asa, inilarawan ito bilang isang araw ng lagim at lungkot. Pagsapit ng Araw ng Panginoon, hindi galak, kapayapaan, at pag-asa kundi lungkot, dilim, at lagim ang iiral. 

Nakakagulat at nakakapagtaka. Bakit ang Araw ng Panginoon ay inilarawan ng Diyos bilang isang nakakatakot at nakakalungkot na araw? Ano ang dahilan kung bakit ito ang ipinasiya Niyang gawin? Inilahad rin sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ito. Ang mga salita sa unang bahagi ng Unang Pagbasa para sa araw na ito ay isang panawagan para sa lahat na magsisi at magbalik-loob sa Kaniya. Ninanais ng Panginoong Diyos na magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya ang Kaniyang bayan. Ito rin ang Kaniyang nais para sa atin sa kasalukuyang panahon. Hindi nagbabago ang nais Niyang ito. Ang tanging nais ng Panginoon ay magsisi at tumalikod tayo sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya.

Sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ng Biyernes: "Makatarungang paghatol ang igagawad ng Poon" (Salmo 9, 9a). Ito ang katarungan ng Panginoong Diyos. Ang lahat ng tao ay bibigyan Niya ng pagkakataon upang makapagsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya habang nabubuhay at naglalakbay pa sila sa mundong ito. Hindi lamang Siya mapagmahal, maawain, at mahabagin kundi makatarungan rin. Sa kabila ng dami at paulit-ulit na pagkakasala, habang nabubuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundong ito, may pag-asa silang magbago. Ang paalala lamang ng Diyos ay huwag sayangin ang mga pagkakataong ito. 

Ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno matapos Niyang palayasin ang isang demonyo mula sa isang tao sa Ebanghelyo para sa araw na ito ay nakasentro rin sa puntong ito. Isa lamang ang nais Niyang sabihin. Hindi Siya mula sa demonyo kundi mula sa Diyos. Katunayan, Siya mismo ay ang pinakadakilang biyaya mula sa langit sapagkat ang Kaniyang kaloob sa lahat ay ang biyaya ng kaligtasan. Dahil sa biyayang ito, tayong lahat ay may pagkakataong magsisi at magbalik-loob sa Diyos habang nabubuhay tayo sa daigdig nang pansamantala lamang. 

Huwag nating sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos na magsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Ang buhay natin dito sa daigdig na ito ay pansamantala lamang. Kaya, habang may panahon pa, pagsisihan natin at talikdan ang ating makasalanang pamumuhay at magbalik-loob tayo sa Diyos nang tapat at taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento