Biyernes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 9, 1-5/Salmo 147/Lucas 14, 1-6
SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official 6AM #OnlineMass | 20 Oct 2023 - Friday of the 28th Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay nakatuon sa kabutihan ng Panginoon. Dahil sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang ipakita sa atin ang Kaniyang kabutihan. Bagamat tayong lahat ay hindi karapat-dapat dahil sa ating pagiging mga makasalanan, niloob pa rin Niyang maging mabuti sa atin. Hindi ipinagkait at ipinagdamot sa atin ng Diyos ang Kaniyang kabutihan. Katunayan, ang pinakadakilang imahen o larawan ng kabutihan ng Diyos para sa atin ay walang iba kundi ang imahen o larawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakabayubay sa Krus na Kaniyang pinasan patungong Kalbaryo. Ito ang lagi nating pinagninilayan bilang mga deboto tuwing Biyernes.
Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpagaling ng isang taong namamanas. Bagamat alam Niyang binabantayan Siyang mabuti ng Kaniyang mga kaaway, ang mga Pariseo at mga dalubhasa sa kautusan, upang makahanap sila ng dahilan para dakpin Siya, ipinasiya pa rin ni Kristo na pagalingin ang taong iyon. Hindi ipinagkait o ipinagkait ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kabutihan sa nasabing tao. Dahil sa Kaniyang kabutihan, pinagaling ni Jesus Nazareno ang taong iyon.
Ito ang dahilan kung bakit inihayag ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa para sa araw na ito na mas mamatamisin niyang sumpain alang-alang sa mga Israelita, ang kaniyang mga kababayan. Sa pamamagitan nito, inihayag ni Apostol San Pablo ang tangi niyang naisin na makipagkasundo sa Diyos ang kaniyang mga kababayan. Nais ni Apostol San Pablo na maging mulat ang kaniyang mga kababayan sa kahanga-hangang kabutihan ng Panginoong Diyos. Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan: "Purihin mo, Herusalem, ang Panginoong butihin" (Salmo 147, 12a). Tunay ngang mabuti ang Panginoong Diyos. Katulad ni Apostol San Pablo, ito ang nais ng Simbahan para sa bawat isa sa atin - mamulat sa kabutihan ng Diyos.
Hindi natin dapat limutin ang kabutihan ng Panginoong Diyos. Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipakita sa atin ang Kaniyang kabutihan. Ang pinakadakilang patunay nito ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento