Huwebes, Oktubre 19, 2023

PAGKAKATAONG MAGHANDA PARA SA LANGIT

1 Nobyembre 2023 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Before 1426-1432) Adoration of the Lamb by Hubert van Eyck (circa 1366–1426) from the Ghent Altarpiece, as well as the actual work of art itself from the Kathedrale St. Bavo in Ghent via the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("Public Domain Mark 1.0 Universal"/"No Copyright") worldwide under the GNU Free Documentation License

Sa tuwing dinadasal natin ang Kredo, ipinapahayag nating sumasampalataya tayo sa kasamahan ng mga banal. Ang unang araw ng Nobyembre ay inilaan ng Simbahan para itampok at parangalan ang lahat ng mga banal sa langit. Tayong lahat ay buong galak na nagpapasalamat sa Diyos sa araw na ito para sa biyaya ng kabanalan ng lahat ng mga banal sa langit. Bagamat napakahirap maging banal, ipinasiya nilang maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. Hindi nila sinayang at binasura ang lahat ng mga pagkakataong ibinigay sa kanila upang piliin ang landas ng kabanalan. 

Hindi naging madali para sa lahat ng mga banal sa langit na maging banal. Gaya ng sabi sa Unang Pagbasa, ang lahat ng mga banal sa langit ay "nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig" (Pahayag 9, 14). Ang katotohanang ito ay binigyan rin ng pansin ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo noong itinuro Niya sa mga tao ang mga katangian ng mga banal na tinatawag ring mga mapapalad. Marami silang mga tiisin, hirap, sakit at pag-uusig sa buhay dito sa mundo na kanilang hinarap at tiniis. Subalit, sa kabila ng mga ito, nanatili pa rin silang tapat sa kanilang pangako sa Diyos na maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin habambuhay. Pinili pa rin ng lahat ng mga banal sa langit ang Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng pasiyang ito, inihayag ng mga banal sa langit ang kanilang pananalig at pag-asa sa pangako ng Diyos na inilarawan ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa na magiging dakila rin ang kanilang kalagayan katulad ni Kristo (1 Juan 3, 2). Dahil dito, ipinasiya ng mga banal sa langit na maging bahagi ng bayan ng Diyos. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan: "Panginoon, ang bayan Mo ay dumudulog sa Iyo" (Salmo 23, 6). Taos-puso nilang tinanggap ang paanyaya ng Panginoong Diyos na maging bahagi ng Kaniyang bayan sa pamamagitan ng kanilang pasiyang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin habang pansamantala silang namuhay at naglakbay dito sa mundong ito. 

Ang lahat ng mga banal sa langit ay nagmula sa iba't ibang lahi, wika, bayan, lipi, at bansa sa mundong ito. Hindi sila nagmula sa iisang lahi o grupo. Bagkus, iba't iba sila ng pinanggalingan. Kaya nga, pandaigdigan ang Simbahan. Dahil dito, mayroon rin tayong pagkakataong maging bahagi ng bayan ng Diyos sa langit. Tayong lahat ay laging binibigyan ng pagkakataon ng Diyos na maging bahagi ng Kaniyang bayan. 

Nais ng Diyos na makasama tayo sa langit. Kaya naman, sa bawat sandali ng ating pansamantalang buhay at paglalakbay dito sa mundo, tayong lahat ay lagi Niyang binibigyan ng pagkakataong maging bahagi sa Kanyang bayan sa langit, katulad ng lahat ng mga banal sa langit. Gaya ng lahat ng mga banal sa langit, tayong lahat ay mayroong pagkakataong makasama ang Poong Jesus Nazareno magpakailanman sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Isa lamang ang kailangan nating gawin - ihanda ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsisikap na tahakin ang landas o daan ng kabanalan habambuhay. 

Itinatampok at pinararangalan ng Simbahan ang lahat ng mga banal sa langit sa araw na ito upang tulungan tayong maghanda para sa buhay na walang hanggan sa langit kapiling ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang kasamahan ng mga banal sa langit ay dapat nating tingalaan at tularan. Kapag ipinasiya nating tularan ang kanilang halimbawa, tinatanggap natin ang paanyaya ng Panginoon na Siya'y makasama sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit magpakailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento