Biyernes, Oktubre 27, 2023

HINDI MALOLOKO ANG DIYOS

5 Nobyembre 2023 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Malakias 1, 14b-2, 2b; 8-10/Salmo 130/1 Tesalonica 2, 7b. 9. 13/Mateo 23, 1-12 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official 6PM #OnlineMass | 22 Oct 2023 - 29th Sunday in Ordinary Time (Facebook and YouTube)

Bagamat ang Ebanghelyo sa Banal na Misa para sa Linggong ito ay hango mula sa ika-23 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo, ang temang nais bigyan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito ay hango sa Ebanghelyo ni San Juan. Sabi sa Ebanghelyo ni San Juan na batid ni Jesus Nazareno ang kalooban ng bawat tao (2, 25). Isa lamang ang ibig sabihin nito. Hindi maloloko ninuman ang Diyos. Oo, aminin natin, madaling manloko ang tao. Mayroong mga taong madaling maloko. Subalit, isa lamang ang hindi kayang lokohin o linlangin ninuman, gaano man sila manlinlang ng tao - ang Panginoong Diyos. Ang hindi agad mabatid ng tao ay agad na nababatid ng Diyos. Walang lihim na hindi malalaman agad ng Panginoong Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagsalita laban sa kapaimbabawan ng mga saserdote. Katunayan, makakatulong ang ilang mga bahagi na hindi kabilang sa Unang Pagbasa. Sabi ng Panginoon sa mga bahaging yaon na biniyayaan Niya sila ng talino at kakaibang husay magsalita ang mga saserdote. Ang kanilang talino at husay pagdating sa pagpapaliwanag at pangangaral tungkol sa Salita ng Diyos ay nagmula lamang sa Kaniya. Hiniram nila ito mula sa Panginoong Diyos. Subalit, gaya ng sabi sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, hindi sila namuhay ayon sa kanilang itinuturo. Bagamat kilala sila bilang mga mensahero ng Panginoong Diyos, hindi sila namuhay ayon sa Salita ng Diyos na kanilang ipinangangaral. 

Gaya ng mga salitang binigkas ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa, ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay tungkol sa mga tunay na hangarin ng mga Pariseo at mga eskriba. Inilarawan ng Poong Jesus Nazareno na hindi higit na parangal at pagsamba sa Diyos ang dahilan kung bakit sila nagsisikap mamuhay nang banal. Ang kanilang pagsasagawa ng mga banal na gawain ay hindi para lalo pa nilang mabigyan ng papuri, parangal, at pagsamba ang Diyos. Bagkus, ang tunay na dahilan kung bakit sila nagpapakabanal ay upang mapansin ito ng mga tao nang sa gayon ay maparangalan sila. Katunayan, ibinunyag pa ng Panginoong Jesus Nazareno na hindi naman isinasabuhay ng mga Pariseo at mga eskriba ang kanilang mga itinuturo sa mga tao tungkol sa Kautusan. 

Ang tunay na papuri, parangal, at pagsamba para sa Panginoong Diyos ay inilarawan sa mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sabi niya na labis siyang natutuwa sapagkat tinanggap ng mga Kristiyano sa Tesalonica ang Diyos. Inihayag rin ni Apostol San Pablo na naging instrumento lamang siya ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng mga salitang ito na kaniyang binigkas sa Ikalawang Pagbasa. Dahil dito, nagpapasalamat rin siya sa Diyos sapagkat ginampanan niya nang mabuti ang kaniyang tungkulin bilang instrumento ng Diyos. Malinaw sa mga salitang iyon na hindi mahalaga para kay Apostol San Pablo na maparangalan siya ng mga tao. Isa lamang ang mahalaga para sa kaniya - ang Diyos ay makilala at matanggap ng mga tao nang taos-puso sa mga lugar na kaniyang pinuntahan. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na hindi natin maloloko ang Diyos. Alam Niya kung ano ang nasa ating mga puso at kalooban. Nais Niyang baguhin tayo. Taos-puso nga ba nating tatanggapin ang biyaya ng pagbabagong dulot Niya sa atin? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento