Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1585) "Expulsión de los mercaderes del Templo" (The Traders Cast out of the Temple) by Francesco Bassano the Younger (1549–1592), as well as the actual work of art from the Museo del Prado collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
"Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng Aking Ama!" (Juan 2, 16). Ang mga salitang ito ay binigkas ng Poong Jesus Nazareno habang pinalalayas Niya mula sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. Subalit, hindi lamang para sa kanila ang mga salitang ito kundi para sa lahat. Katunayan, hindi rin lamang tungkol sa mga gusaling itinalaga bilang mga bahay-dalanginan ang mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno.
Ano ang nais ipahayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salitang ito na Kaniyang binigkas sa Ebanghelyo para sa araw na ito? Tayong lahat ay mga tahanan ng Panginoong Diyos. Itinalaga Niya tayo upang maging Kaniyang mga pananahanan. Katulad ng sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, tayong lahat ay mga templo ng Diyos (1 Corinto 3, 16-17). Sa Unang Pagbasa, ang Templo ay inilarawan bilang isang daluyan. Ginamit rin ang larawan ng batis o daluyan sa Salmo upang ilarawan ang bayan ng Diyos.
Tayong lahat ay mga templo ng Panginoong Diyos. Bagamat tayong lahat ay mga makasalananan, itinalaga Niya tayong lahat upang maging Kaniyang mga tahanan. Katunayan, noon pa man, ito na ang plano ng Diyos para sa atin. Nais ng Diyos na gawin tayong mga daluyan ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa lahat. Ito ang tanging dahilan kung bakit itinalaga tayo ng Panginoong Diyos bilang Kaniyang mga templo. Dahil sa katotohanang ito, sagrado tayo noon pa man.
Noon pa mang una, tayong lahat ay mga banal. Oo, tayong lahat ay mayroong bahid at dungis ng kasalanan. Subalit, hindi ito nangangahulugang dapat na lamang nating ipagpatuloy ang ating makasalanang pamumuhay. Bagkus, dapat nating imulat ang mga mata, puso, at isipan natin sa katotohanan tungkol sa ating pagkakilanlan. Noon pa mang una, itinalaga na tayo ng Diyos upang maging Kaniyang mga templo. Kapag tayong lahat ay namulat sa katotohanang ito, gamitin natin ang pagkakataong bigay sa atin ng Diyos upang makapagsisi at makapagtalikod sa kasalanan at magbalik-loob at maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na dapat tahakin natin ang landas ng kabanalan sapagkat ito ang nais ng Diyos para sa atin. Tayong lahat ay itinalaga Niya upang maging Kaniyang mga templo. Kaya naman, dapat nating ibigay sa Kaniya ang nararapat. Mamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos bilang Kaniyang mga templo at tahanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento