8 Disyembre 2023
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1600 and 1699) The Immaculate Conception of the Virgin by Bartolomé Esteban Murillo (1617–1682), as well as the actual work of art itself from the National Gallery in London via Art UK, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. The work is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Ang araw na ito ay napakahalaga para sa buong Simbahan sa Pilipinas sapagkat ipinagdiriwang natin nang buong galak bilang isang sambayanan sa araw na ito ang Dakilang Kapistahan ng Pangunahing Pintakasi ng Bansang Pilipinas na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Inmaculada Concepcion. Hindi para lamang sa mga Simbahan na kung saan ang Mahal na Inang si Maria sa ilalim ng titulong Virgen de la Inmaculada Concepcion ay itinalaga bilang pintakasi kundi para sa buong Republika ng Pilipinas. Ang pagdiriwang sa araw na ito ay para sa lahat sa buong bansang kilala sa opisyal nitong pangalan na Republika ng Pilipinas.
Sa araw na ito na inilaan para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, tayong lahat ay buong galak at ligayang nagpapasalamat sa Diyos sa biyaya ng Kaniyang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa para sa ating lahat na siyang dahilan kung bakit ito nangyari. Kung tutuusin, hindi naman nakasentro sa Mahal na Inang si Mariang Birhen ang maringal na pagdiriwang sa araw na ito. Bagkus, nakasentro ito sa Diyos. Sa sandaling ito, ang Diyos ay kumilos. Bago pa man isilang ng kaniyang inang si Santa Ana, ang Mahal na Birheng Maria na Ina ng Simbahan ay iniligtas ng Diyos mula sa bahid ng kasalanan upang magkaroon ng isang nararapat na pananahanan ang ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Hindi ito sariling gawa ni Maria mismo kundi isa itong kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos.
Isang pahiwatig nito ay ang pagsugo ng Diyos kay Arkanghel San Gabriel sa Nazaret sa salaysay sa Ebanghelyo. Sinong mag-aakalang isang dalagang namumuhay nang payak sa Nazaret ang inatasan ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos? Wala. Tiyak na inaaasahan ng nakararami na magmumula sa isang mayaman at marangyang pamilya si Kristo. Ang Panginoong Diyos lamang ang bukod tanging nakakaalam nito dahil Siya mismo ang nagplano at gumawa nito. Kung hindi nahayag ito, mananatiling lihim ang bahaging ito ng plano ng Panginoong Diyos na butihin. Dahil rin sa kalooban ng Diyos, nahayag rin sa atin ang plano Niyang ito.
Bagamat nalugmok ang tao sa kasalanan matapos suwayin nina Adan at Eba ang utos ng Diyos na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga, niloob pa rin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Inihayag ng Diyos sa Unang Pagbasa kung paano Niya ito gagawin. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay darating sa mundo sa pamamagitan ng isang babae. Subalit, sinong mag-aakalang ang babae sa pahayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay isang dalagang namumuhay nang payak sa bayang tinatawag na Nazaret? Wala. Tanging ang Diyos lamang dahil Siya mismo ang bumuo ng planong ito at tumupad nito sa panahong Kaniyang itinakda.
Hindi naman kinailangang gawin ng Diyos ang planong ito. Kung ninais lamang Niya, maaari na lamang Siya magpakasarap sa langit at pabayaang tuluyang mapahamak ang sangkatauhan dahil sa pagkalugmok sa kasalanan. Subalit, ipinasiya Niya tayong iligtas. Ang dahilan ay inilarawan sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Dahil sa dakilang habag at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang gawin ito (Salmo 97, 1). Bagamat labis Siyang nasaktan dahil sa pagtalikod at pagsuway ng sangkatauhan, nanaig pa rin ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos.
Nakasentro rin sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos para sa atin ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, niloob ng Panginoong Diyos na maging bahagi tayo ng Kaniyang pamilya. Ipinasiya Niyang angkinin at ituring bilang Kaniyang mga anak ang bawat isa sa atin (Efeso 1, 4-5). Ang katibayan nito ay ang pagtubos Niya sa atin sa pamamagitan ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno.
May Inmaculada Concepcion dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Ipinapaalala ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria sa bawat isa sa atin na tayo ay tunay ngang kinahahabagan, kinaawaan, at iniibig ng Diyos. Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, tayong lahat ay ipinasiya Niyang iligtas. Kaya naman, marapat lamang na pasalamatan natin Siya nang buong galak at tuwa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento