1 Disyembre 2023
Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Daniel 7, 2-14/Daniel 3/Lucas 21, 29-33
SCREENSHOT: Quiapo Church - One of the Hourly Masses during the celebration of the Traslacion 2019 (Facebook and YouTube)
Ang mga Pagbasa para sa huling Biyernes sa Kalendaryo ng Simbahan ay nakatuon sa paksa ng katapusan. Habang napapalapit ang Simbahan sa wakas ng isang taon at sa simula ng isang panibagong taon, muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan na hindi matatagpuan sa mundong ito ang walang hanggan. Mayroong hangganan o wakas ang lahat ng bagay dito sa mundong ito. Kaya naman, habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundong ito, dapat nating paghandaan ang kabilang buhay kung saan matatagpuan natin ang walang hanggan.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ng Propetang si Daniel ang kaniyang mga nakita sa isang pangitain. Puno ng kadakilaan ang kaniyang mga nakita sa nasabing pangitain. Nakita niya ang aniya'y "isang nabubuhay magpakailanman" (Daniel 7, 9). Inihayag sa Salmong Tugunan ang pagkakilanlan ng mahiwagang nabubuhay magpakailanman - ang Diyos ng mga Hukbo. Tanging ang Panginoong Diyos lamang ang mabubuhay magpakailanman. Walang hanggan ang paghahari ng Diyos. Sa piling ng Panginoon lamang matatagpuan ang walang hanggan. Magwakas man ang mundong ito, mananatili pa rin ang Diyos. Sa Ebanghelyo, isinentro ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pangaral sa katotohanang ito. Darating muli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tunay at walang hanggang Diyos, bilang dakilang Hari at Hukom. Ito ang lagi nating dapat tandaan at paghandaan bilang Kaniyang Simbahan.
Darating muli ang tunay at walang hanggang dakilang Hari, Pari, at Hukom na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa wakas ng panahon. Walang sinuman sa atin ang nakababatid kung kailan. Subalit, lagi tayong pinaalalahanan na mangyayari ito pagdating ng panahon. Ang tanong para sa atin sa araw na ito, ang katotohanang ito ay lagi ba nating itatapat at iingatan sa ating mga puso at isipan upang puspusan natin ito mapaghahandaan? Kapag dumating ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ano kaya ang Kaniyang mahahanap sa ating mga puso?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento