17 Nobyembre 2023
Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Karunungan 13, 1-9/Salmo 18/Lucas 17, 26-37
SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official 5AM #OnlineMass #QuiapoDay • 11 Nov. 2023 • #SaintLeoTheGreat (YouTube and Facebook)
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay nakasentro sa Kaniyang pagkakilanlan bilang tunay na Hari. Walang ibang hari kundi Siya lamang. Siya lamang ang tunay at walang hanggang Hari. Ito ang katotohanang dapat malaman ng tanan.
Sa Unang Pagbasa, malakas na inihayag ng manunulat ng Aklat ng Karunungan na dapat makilala ng lahat sa mundong ito ang tunay na Hari na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Tanging Siya lamang ang maghahari magpakailanman. Kung ang mga hari sa mundong ito ay pansamantalang maghahari, ang paghahari ng Diyos ay walang hanggan. Dahil diyan, inihayag nang malakas sa simula ng Unang Pagbasa: "Napakahangal ang mga taong hindi nakakikilala sa Diyos" (Karunungan 13, 1). Ito rin ang katotohanang pinagtuunan ng pansin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Ang langit ay nagdiriwang sa Panginoong marangal" (Salmo 18, 2a). Ito ang dapat nating tandaan sa araw-araw. Ang Diyos lamang ay ang tunay at walang hanggang Hari. Sa Ebanghelyo, isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pagdating bilang dakilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Darating muli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon, isang oras at panahong hindi kayang malaman ninuman kundi ang Ama.
Muli tayong pinaalalahanan sa araw na ito. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang tunay at walang hanggang dakilang Hari. Siya lamang at wala nang iba. Ito ang katotohanang hindi natin dapat limutin kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento