Huwebes, Nobyembre 30, 2023

BANAL NA DAKO

11 Disyembre 2023 
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila 
1 Hari 8, 22-23. 27-30/Salmo 83/Juan 2, 13-22 


"Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na dako ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga magulang - nina Abraham, Isaac, at Jacob" (Exodo 3, 5-6). Ang mga salitang ito ay binigkas ng Panginoong Diyos noong una Siyang magpakita kay Moises sa pamamagitan ng isang punongkahoy na hindi nasusunog bagamat ito ay nagliliyab sa Bundok ng Horeb. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inihayag ng Diyos kung bakit ang pinuntahan ni Moises ay isang banal na lugar. Naging banal ang lugar na iyon dahil sa presensya ng Diyos. 

Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakatuon sa presensya ng Diyos na nagpapabanal sa isang lugar. Ito ang dahilan kung bakit may mga gusaling Simbahan katulad na lamang ng Katedral ng Maynila na nagsisilbi bilang bahay-dalanginan para sa lahat. Banal ang mga gusaling Simbahang itinayo dahil sa presensya ng Diyos. Oo, mga gusali ito. Subalit, naiiba ang mga ito sa ibang mga gusaling itinayo dahil ang Diyos ng mga Hukbo ay nananahan sa Simbahan. Dahil dito, banal ang Simbahan. 

Marahil magtataka ang marami dahil minsang sinabi ni Apostol San Pablo sa isa sa kaniyang mga pangaral sa mga taga-Corinto na tayo ang Templo ng Espiritu Santo (1 Corinto 6, 19)? Kung tayo ang Templo ng Espiritu Santo, bakit gayon na lamang ang ating pagpapahalaga sa mga gusaling Simbahan gaya na lamang ng makasaysayang Katedral ng Maynila? Hindi ba taliwas ito sa mga salitang ito ni Apostol San Pablo ang ginawa nating pagpapahalaga sa mga gusaling Simbahang ito na itinayo upang magsilbing mga bahay-dalanginan para sa lahat? 

Oo, tayo ang Simbahan. Katunayan, ito ang isinasagisag ng mga gusaling Simbahang itinayo at itinalaga bilang mga bahay-dalanginan para sa lahat. Ang mga gusaling Simbahang ito ay nagpapaalala sa atin na ipinasiya ng Panginoon na tayong lahat ay makapiling at makasama Niya sa bawat sandali ng ating buhay sa mundong ito. Ito ang katotohanang inihayag nang malakas ng haring si Solomon sa Unang Pagbasa: "Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan Ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo!" (1 Hari 8, 27). Bukod pa roon, bago niya binigkas ang mga salitang ito sa kaniyang panalangin sa Panginoong Diyos, si Haring Solomon na rin mismo ang nagsabing wagas ang pag-ibig ng Diyos sa mga alipin Niyang tapat na naglilingkod sa Kaniya (1 Hari 8, 23). Dahil sa Kaniyang tapat at wagas na pag-ibig, kusang-loob Niyang ipinasiyang makapiling tayo. 

Kaya naman, tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang pagpapalayas ng Poong Jesus Nazareno sa mga nagtitinda ng mga baka't kalapati at ang mga nagpapalit ng salapi mula sa Templo. Ikinagalit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kawalan ng paggalang at pagpapahalaga sa presensya ng Diyos. Sa paningin ng Mahal na Poon, isinantabi na ng mga tao ang Diyos. Hindi na mahalaga para sa mga tao roon ang presensya ng Diyos. Tila sinasabi nilang wala silang pakialam sa Diyos. Napakalinaw na nasaktan ang Diyos sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Matapos gawin ng Diyos ang lahat upang makapiling ang tao, ito ang isinukli nila sa Kaniya? 

Taliwas ang ginawa ng mga tao sa Ebanghelyo sa mga salitang inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Ang templo Mo'y aking mahal, D'yos na Makapangyarihan" (Salmo 83, 2). Hindi nagpakita ng pag-ibig at pagpapahalaga sa presensya ng Diyos na nagpapabanal sa Templo ang mga tao sa Ebanghelyo. Dahil dito, labis na nagalit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa galit Niyang ito, buong linaw Niyang inihayag na labis Siyang nasaktan sa kanilang ginawa. 

Iniibig ba natin ang Diyos? Tayong lahat ay tunay Niyang iniibig. Ano ang isusukli natin sa Kaniya? Kung tapat at wagas na pag-ibig ang nais rin nating isukli sa Panginoong Diyos, pahahalagahan at igagalang natin ang Kaniyang presensyang nagpapabanal sa tanan. Ang ating mga tungkulin bilang Kaniyang Templo ay ating tutuparin. Mamuhay bilang mga salamin at daluyan ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento