24 Nobyembre 2023
Paggunita kay san Andres Dung Lac, pari at martir, at mga Kasama, mga martir
1 Macabeo 4, 36-37. 52-59/1 Mga Cronica 29/Lucas 19, 45-48
SCREENSHOT: #QuiapoChurch 6:00 PM #OnlineMass • 15 November 2023 - Wednesday of the 32nd Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)
Ang temang nais talakayin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata kay Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay mababasa sa Salmong Tugunan. Nasusulat sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "D'yos, aming papupurihan ang 'Yong dakilang Pangalan" (1 Mga Cronica 29, 13b). Sa pamamagitan ng pagtalakay at pagninilay sa mga salitang ito, muli tayong tinuturuan at pinaalalahanan ng Inang Simbahan na dapat maging tunay, tapat, at taos-puso ang ating pag-aalay ng parangal, papuri, at pagsamba sa Diyos sapagkat ito ang nararapat para sa Kaniya.
Magkasalungat ang mga inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Tunay at taos-pusong parangal, papuri, at pagsamba sa Panginoong Diyos ang inialay ng mga tao sa Unang Pagbasa. Ang mga Hudyo sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay nag-alay ng papuri, parangal, at pagsamba sa Panginoong Diyos na Siyang dahilan kung bakit sila nagtagumpay laban kay Lisias. Taos-puso itong ginawa ng mga Hudyo na pinangunahan ni Judas Macabeo nang buong galak at tuwa. Subalit, taliwas nito ang inilarawan sa Ebanghelyo. Ito ang dahilan kung bakit labis na nagalit ang Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Hindi nakasentro sa Diyos ang mga tao kundi sa salapi. Dahil sa salapi, kinalimutan na nila ang Panginoong Diyos at hindi na ginalang at pinahalagahan ang Kaniyang presensya. Sa halip na isipin ang Diyos, inisip ang salapi. Pinalitan ng mga tao ang Diyos sa sarili Niyang tahanan. Dahil dito, labis na nagalit ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Tayong lahat ay pinaalalahanan sa araw na ito na dapat maging tunay ang ating pag-aalay ng papuri, parangal, at pagsamba sa Diyos. Ito ang nararapat lamang nating gawin bilang mga Kristiyano. Ang Panginoong Diyos ay hindi natin dapat ipagpalit sa sinuman o anuman kailanman. Dapat Siya lamang ang maging Diyos at Hari ng ating buhay. Kaya naman, ialay natin ang buo nating sarili sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento