19 Nobyembre 2023
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31/Salmo 127/1 Tesalonica 5, 1-6/Mateo 25, 14-30 (o kaya: 25, 14-15. 19-21)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) Parable of the Talents by Willem de Poorter (1608–1649/1668), as well as the actual work of art itself from the National Gallery Prague, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa layunin ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos. Ipinapaliwanag sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito kung bakit lagi tayong pinagkakalooban ng mga biyaya ng Diyos. Bagamat walang sinuman sa atin ay karapat-dapat sa mga biyayang kaloob ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan bilang tao, niloob pa rin Niya tayong biyayaan. Ang ating mga abilidad at kakayanan bilang tao ay ilan lamang sa mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos.
Inihayag sa wakas ng Unang Pagbasa kung ano ang dapat gawin ng lahat. Ang lahat ng mga papuri at parangal ay dapat ialay ng lahat sa Panginoong Diyos. Maaari itong gawin sa iba't ibang paraan. Nakatuon sa aral na ito ang talinghagang isinalaysay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Isinalaysay ni Jesus Nazareno ang talinghaga tungkol sa mga aliping pinagkatiwalaan ng salapi sa Ebanghelyo para sa Linggong ito upang ituro sa lahat ang katotohanan tungkol sa mga talento, abilidad, at kakayanan ng bawat tao. Ang lahat ng iyon ay ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Kaya, dapat nating gamitin ito sa kabutihan. Sa pamamagitan nito, naisasabuhay natin ang mga salitang malakas na binigkas mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D'yos" (Salmo 127, 1a). Bukod pa roon, ginagawa rin natin ang bilin ni Apostol San Pablo sa wakas ng kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Ang bilin ni Apostol San Pablo para sa lahat ng mga Kristiyano sa wakas ng kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ay dapat lagi tayong maging handa para sa muling pagdating ng Poong Jesus Nazareno sa wakas ng panahon na tanging Diyos Ama lamang ang nakakaalam kung kailan (1 Tesalonica 5, 6).
Oo, batid ng Panginoong Diyos na hindi tayo karapat-dapat sa Kaniyang mga biyaya dahil sa ating mga kasalanan laban sa Kaniya bilang tao. Subalit, dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin, niloob pa rin ng Panginoong Diyos na biyayaan tayo upang maihanda natin ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit magpakailanman.
Habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay sa mundong ito, tayong lahat ay laging binibigyan ng pagkakataong mag-alay ng papuri at parangal sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Huwag nating sayangin ang mga biyayang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento