26 Nobyembre 2023
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno, sa Sanlibutan (A)
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Tesalonica 15, 20-26.28/Mateo 25, 31-46
This faithful photographic reproduction of the painting (Unknown date) Crucifixion of Christ by
Piero di Cosimo (1462–1522), as well as the actual work of art itself from the Museum of Fine Arts, Budapest, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or older due to its age. This work is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Marami ang mga naging hari o pinuno sa mundong ito. Ang kasaysayan ng mundong ito ang magpapatunay ng katotohanang ito. Mayroong mga naging mabuting hari o pinuno at mayroon ring mga hindi naging mabuti bilang hari o pinuno. Subalit, batid rin nating walang sinumang hari o pinuno ay nanatili sa posisyon magpakailanman. Oo, maraming naghari o namuno sa loob ng mahabang panahon, subalit wala ni isa sa kanila ang nanatili bilang hari o pinuno magpakailanman. Ang magpapatunay ng katotohanang ito ay ang kasaysayan na rin mismo.
Sa huling Linggo ng Kalendaryo ng Simbahan, pinaalalahanan tayo ng Simbahan na isa lamang ang mananatiling Hari magpakailanman. Naghari Siya noon pa mang una. Patuloy pa rin Siyang naghahari sa kasalukuyan. Sa wakas ng panahon, mananatili pa rin Siya bilang Hari. Mananatili pa rin Siyang Hari, ilang mga taon, dekada, o siglo ang lumipas. Walang hanggan ang Kaniyang paghahari. Ang tunay at walang hanggang dakilang Haring ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Kaya naman, ang huling Linggo ng Liturhikal na Kalendaryo ay inilaan ng Simbahan upang kilalanin, parangalan, at papurihan ang Poong Jesus Nazareno na Siyang tunay at walang hanggang dakilang Hari.
Nakasentro sa mga katangian ng pagkahari ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, ipinakilala Siya bilang Hari at Hukom. Sa Ikalawang Pagbasa, isinalungguhit ni Apostol San Pablo ang katotohanan kung bakit si Kristo ay naging Hari magpakailanman. Niloob ng Diyos na maghari si Jesus Nazareno magpakailanman. Ito ang tanging dahilan kung bakit ibinigay ng Ama sa Panginoong Jesus Nazareno ang kapangyarihan bilang tunay at walang hanggang dakilang Hari at Hukom. Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang gagawin bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Ang mga tupa na sumasagisag sa mga banal, matutuwid, at mabuti ay Kaniyang pagkakalooban ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit habang ang mga kambing naman na sumasagisag sa mga masasamang ayaw makinig sa Kaniyang tinig na nag-aanyaya sa kanila na pagsisihan at talikdan ang kanilang mga kasalanan at tahakin ang landas ng kabanalan ay papupuntahin Niya sa walang hanggang kaparusahan sa naglalagablab na apoy ng impiyerno. Tunay ngang mapalad ang mga tupang makakasama si Jesus Nazareno sapagkat tutuparin Niya roon ang mga salitang isinalungguhit sa Salmong Tugunan: "Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop" (Salmo 22, 1). Ang mag-aalaga sa mga nagpasiyang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos hanggang sa huli ay ang Poong Jesus Nazareno, ang tunay at ang walang hanggang dakilang Hari at Hukom.
Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, kinikilala, tinatawag, at pinararangalan natin Siya bilang ating Panginoon at Hari. Subalit, ang ating mga pagpaparangal sa Poong Jesus Nazareno bilang Panginoon at Hari ay atin bang isinasabuhay? Tandaan, hindi sapat na kilalanin, tawagin, at parangalan natin bilang ating Panginoon at Hari ang Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng ating mga salita lamang. Kailangan rin natin itong isabuhay. Dapat natin itong ipakita sa ating mga gawa. Tanggapin ang Kaniyang paanyayang maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Ang mga utos at loobin ng tunay na Panginoon at Haring si Jesus Nazareno ay dapat sundin at tuparin nang taos-puso at nang may kababaang-loob at pananalig sa Kaniya.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na isa lamang ang tunay at walang hanggang dakilang Hari at Hukom - si Jesus Nazareno. Siya lamang at wala nang iba. Bilang Hari at Hukom, nais ng Poong Jesus Nazareno na makasama tayong lahat sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit magpakailanman. Lagi Niyang ipinaparating sa atin ang Kaniyang paanyayang makasama Siya sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit habang tayong lahat ay patuloy na namumuhay at naglalakbay dito sa lupa nang pansamantala lamang. Ano ang ating tugon sa paanyaya ni Kristong Hari na si Jesus Nazareno? Tatanggapin o babalewalain?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento