Sabado, Nobyembre 25, 2023

PAGHANDAAN ANG PAGDATING NG TUNAY NA NAGMAMAHAL

10 Disyembre 2023 
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon [B] 
Isaias 40, 1-5. 9-11/Salmo 84/2 Pedro 3, 8-14/Marcos 1, 1-8 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Before 1925) The Preaching of John the Baptist by David Teniers the Younger (1610–1690), as well as the work of art itself from Christie's New York Auction, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work of art is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.


Ang mga Pagbasa para sa Ikalawang Linggo ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon na mas kilala ng nakararami bilang panahon ng Adbiyento ay nakasentro sa tema ng paghahanda. Katunayan, ito ang panawagan ng Simbahan para sa bawat isa sa atin hindi lamang tuwing panahon ng Adbiyento kundi sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa. Pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo. Dahil dito, dapat maging handa rin tayo para sa pagdating ng Panginoon na hindi alam ninuman dito sa lupa. Bakit Siya darating? Upang iligtas ang lahat ng mga nagpasiyang manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli at dalhin sa langit. 

Oo, pinaghahandaan rin natin ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, pagsapit ng panahong ito taun-taon. Subalit, hindi lamang ito ang ating pinaghahandaan. Bagkus, pagsapit ng panahong ito na tinatawag na Adbiyento, pinaghahandaan rin natin ang Kaniyang muling pagdating sa wakas ng panahon na hindi natin alam kung kailan magaganap. Kaya naman, ang mga Pagbasa para sa kabuuan ng panahong ito ay nakasentro sa tema ng pagdating. Gaya ng mga Israelita bago dumating si Kristo sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan, pinaaalalahanan tayo na muling darating si Kristo sa wakas ng panahon bilang Hari at Hukom. Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko na tumubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ay darating muli sa wakas ng panahon bilang dakilang Hari at Hukom ng lahat. Bilang mga tapat na tagasunod at deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ito ang dapat nating paghandaan sa lahat ng oras sapagkat hindi natin alam ang eksaktong oras at petsa nito. Katulad ng una Niyang pagdating, kaligtasan ang Kaniyang hatid. 

Nakasentro sa paghahanda para sa pagdating ng Panginoon ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Ang panawagang ito ay inihayag sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Katunayan, ang panawagan ni San Juan Bautista sa mga Israelita sa Ebanghelyo ay mula sa bahagi ng propesiya ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa na nakasentro sa gampaning ibinigay sa kaniya ng Diyos sa kasaysayan ng Kaniyang pagkakaloob ng biyaya ng kaligtasan sa buong sangkatauhan. Si San Juan Bautista mismo ay ang tinig na tinutukoy ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Bilang tinig na ito, si San Juan Bautista ay nanawagan sa lahat ng mga tao na tuwirin at ipaghanda ng daraanan ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

Hindi lamang para sa mga Israelita noon ang panawagang ito ni San Juan Bautista sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Bagkus, ito ay para sa lahat. Sa kasalukuyang panahon, patuloy na umaalingawngaw ang panawagang ito ni San Juan Bautista na inilahad sa Ebanghelyo. Lagi nating dapat paghandaan ang pagdating ng Panginoon sa ating buhay. Inilarawan sa Salmong Tugunan at sa Ikalawang Pagbasa kung bakit dapat natin ito gawin. Ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay isang hiling at daing sa Panginoong Diyos na ihayag ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat. Nakasentro rin sa pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ang pangaral ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo, sa Ikalawang Pagbasa. Kahit nakakatakot isipin ang wakas ng panahon, dapat mapuno tayo ng galak at pag-asa sapagkat ito ay ang simula ng isang panibagong mundo. Maraming pagbabago ang idudulot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang ikalawa't muling pagdating bilang dakilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. 

Bakit ito ang pasiya ng Diyos? Inihayag na rin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang tanging dahilan. Gaya ng sabi ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Pag-ibig Mo'y ipakita, iligtas kami't tanglawan" (Salmo 84, 8). Dahil sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Panginoong Diyos, ipinasiya Niyang gawin ang mga inilarawan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa, ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa, at ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa pagpapalang ito ng Panginoong Diyos dahil sa ating mga kasalanan laban sa Kaniya na hindi na mabilang dahil rin sa dami nito, ipinasiya pa rin itong gawin ng Diyos alang-alang sa atin. Ang Diyos ay naging mabuti sa atin dahil tunay Niya tayong iniibig, kinahahabagan, at kinaawaan. 

Paano tayo dapat tumugon? Paghandaan natin ang Kaniyang pagdating. Patunayan natin ang ating pag-ibig, pag-asa, pananalig, at pagsamba sa Diyos. Ihanda natin ang ating mga sarili para sa pagdating ng Poong Jesus Nazareno. Pagkakataon natin ito upang mapatunayan ang ating tapat na pag-ibig, pag-asa, pananalig, at pagsamba sa butihing Panginoon. Pagdating ng Poong Jesus Nazareno, ano ang Kaniyang makikita sa ating mga puso, isipan, at loobin? 

May darating. Darating ang tunay na nagmamahal sa atin na walang iba kundi ang tunay at walang hanggang Diyos at Hari, ang Panginoong Jesus Nazareno. Bagamat hindi naman Niya kailangang gawin ito, ipinasiya pa rin Niya itong gawin dahil tunay Niya tayong minamahal, kinahahabagan, at kinaawaan. Kung ang bawat isa sa atin ay iniibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kahit na hindi tayo karapat-dapat, Siya rin ba ay ating iniibig? Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pagkakataong patunayan ito. Ang mga pagkakataong ito na ibinibigay Niya sa atin ay hindi dapat sayangin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento