12 Nobyembre 2023
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Karunungan 6, 12-16/Salmo 62/1 Tesalonia 4, 13-18 (o kaya: 4, 13-14)/Mateo 25, 1-13
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1616) Parable of the Wise and Foolish Virgins by Hieronymous Francken II (1578–1623), as well as the original work of art itself from the Hermitage Museum via the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa tema ng pananabik para sa Panginoon. Tayong lahat ay tinatanong ng Simbahan sa Linggong ito kung nananabik nga ba tayo para sa Panginoon. Sino o ano ang ating kinasasabikan? Ang Diyos nga ba o ibang bagay o ibang tao? Kanino o saan nga ba nating ilalaan at iaalay ang ating taos-pusong pananabik? Sa Panginoon ba o sa iba? Ito ang tanong para sa atin.
Inilahad sa Salmong Tugunan ang temang nais talakayin at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito. Taos-pusong inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Aking kinasasabikan, Panginoon, Ikaw lamang" (Salmo 62, 2b). Ang taos-pusong pananalig ng tampok na mang-aawit ng Salmo sa Diyos ay isinalamin ng mga salitang ito na buong lakas at pananalig niyang inihayag. Sa Panginoon lamang Siya nananalig at umaasa. Dahil dito, inihayag niyang nananabik lamang siya sa Panginoon. Isa lamang ang dahilan - hindi siya binigo ng Panginoong Diyos kailanman.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang dahilan kung bakit ang Karunungan ng Diyos ay dapat panabikan. Ang Karunungang inilarawan sa Unang Pagbasa ay isang biyayang kaloob ng Diyos. Kapag tinanggap natin ang kaloob na ito ng Diyos, tayong lahat ay magkakaroon ng patnubay at gabay tungkol sa pamumuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Tutulungan tayo ng Karunungan na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo ang biyayang ipagkakaloob ng Panginoon sa mga nananabik sa Kaniya nang taos-puso. Buhay na walang hanggan ang Kaniyang ipagkakaloob sa lahat ng mga tapat at taos-pusong nananabik sa Kaniya. Ang mga nananabik sa butihing Panginoong Diyos nang tapat at taos-puso ay yaong mga namumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga. Ang talinghagang ito ay isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno upang ituro ang tunay at taos-pusong pananabik sa Diyos.
Habang tayong lahat ay namumuhay sa mundong ito nang pansamantala, tayong lahat ay inaanyayahang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Pinaalalahanan rin tayo na lagi tayong kinasasabikan ng Diyos. Ang tanong, tayo rin ba ay nananabik sa Diyos. Kung ang Diyos ay nananabik para sa atin, Siya rin ba ang kinasasabikan natin?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento