3 Disyembre 2023
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon [B]
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7/Salmo 79/1 Corinto 1, 3-9/Marcos 13, 33-37
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1557) The Last Judgment by Hubert Goltzius (1526–1583), as well as the actual work of art itself from the Limburgs Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang Linggong ito ay ang unang araw ng isang panibagong taon at siklo sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa sekular na kalendaryo, ang isang panibagong taon ay nagsisimula pagsapit ng unang araw ng Enero. Katunayan, pagsapit ng bisperas ng Bagong Taon, inaabangan ng maraming tao na sumapit ang ika-12 ng hatinggabi ng unang araw ng Enero. Hindi nga sila natutulog sapagkat nais nilang salubungan ang bagong taon. Sa tuwing sasapit naman ang Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon na mas kilala ng maraming Katoliko bilang panahon ng Adbiyento, isang bagong taon at siklo sa Kalendaryo ng Simbahan ay nagsisimula.
Iyon nga lamang, marahil mapapataas ng kilay ang karamihan sa Linggong ito. Kung sinisimulan ng Simbahan ang isang panibagong taon at siklo sa Linggong ito, ang Unang Linggo ng Adbiyento, bakit nakasentro sa mga magaganap sa katapusan ng panahon ang mga salitang binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Banal na Ebanghelyo? Bakit ipinasiya ng Simbahan na talakayin at pagnilayan ang pagdating ng Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon sa Linggong ito kung kailan sinisimulan ng Simbahan ang isang panibagong taon at siklo? Bukod pa roon, ilang araw at sanlinggo na rin lamang ang natitira bago ipagdiwang nang buong ligaya ang Kapaskuhan na kilala rin sa opisyal na pangalan nito na walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kakaiba ang pasiyang ito ng Simbahan.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang salitang "Adbiyento" ay nangangahulugang "Pagdating." Hindi lamang ang unang pagdating ng Poong Jesus Nazareno noong gabi ng unang Pasko ang nais talakayin at pagnilayan sa panahong ito. Bagkus, nais ring talakayin at pagnilayan ng Simbahan ang ikalawa't muling pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno bilang Dakilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Katunayan, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na rin mismo ang nagsabing muli Siyang babalik sa wakas ng panahon, gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo. Subalit, sabi rin ng Señor na ang Ama lamang ang tanging nakababatid kung kailan ito magaganap (Marcos 13, 32). Dahil dito, sabi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nang paulit-ulit: "Maging handa kayo!" (Marcos 13, 37).
Bakit natin dapat paghandaan ang pagdating ng Nuestro Padre Jesus Nazareno? Siya na rin mismo ang nagsabi kung bakit ito ang dapat nating gawin bilang Kaniyang mga tapat na deboto at tagasunod: "Ngayon, binabago Ko ang lahat ng bagay" (Pahayag 21, 5). Pagdating ng Poong Jesus Nazareno, babaguhin Niya ang lahat. Oo, hindi natin maipagkakailang maraming magagandang bagay sa mundo, subalit, mas maganda ang magiging kapalit dahil ang magbabago nito ay walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Kung paanong binago ng Poong Jesus Nazareno ang mundo noong una Siyang dumating, muli Niyang babaguhin ito sa muli Niyang pagdating. Kapag isinagawa na Niya ito, mawawala na nang tuluyan ang lahat ng luha, hapis, sakit, dalamhati, at kamatayan (Pahayag 21, 4).
Katulad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa, ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, at ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, na nagpahayag ng kanilang pag-asa sa Panginoong Diyos, dapat rin tayong manalig at umasa sa Panginoon. Hindi Niya tayo bibiguin. Isang patunay ng ating tapat na pananalig, pagsamba, paglilingkod, at pag-asa sa Panginoon ay ang mabusising paghahanda para sa Kaniyang pagdating. Isang misteryo para sa atin ang takdang araw at oras ng pagdating ng Panginoon na tangi nating tapat nating inaaasahan, pinananaligan, at sinasamba. Dahil dito, hindi natin dapat sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoon upang ating mapaghandaan ang Kaniyang pagdating. Bilang tao, hindi natin alam kung kailan nga ba ito magaganap, subalit mainam na rin na ngayon pa lamang ay paghandaan na natin iyon. Tandaan, hindi matatagpuan ang walang hanggan sa mundong ito. Huwag rin nating kakalimutan pansamantala rin ang ating buhay sa mundong ito.
Sa pagwawakas ng isang bagay, mayroong isang bagay na magsisimula. Ito ang nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa Unang Linggo ng Adbiyento. Pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, magkakaroon ng isang panibagong simula. Bilang Kaniyang mga tapat na deboto at tagasunod, dapat natin itong paghandaan nang may tuwa, galak, pananalig at pag-asa sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento