10 Nobyembre 2023
Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 15, 14-21/Salmo 97/Lucas 16, 1-8
SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official • 4AM #OnlineMass | 03 November 2023 - Friday, 30th Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)
Marahil kakaiba ang aral na itinuturo ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito ng Biyernes. Sa unang tingin, parang pinuri ng Poong Jesus Nazareno ang isinagawang pandaraya ng katiwala sa talinghagang Kaniyang isinalaysay sa Ebanghelyo. Tila kinukunsinti ng Poong Jesus Nazareno ang panloloko at pandaraya dahil sa ginawa Niyang ito. Iyon nga lamang, ang mismong panloloko at pandaya na ginawa ng katiwala sa talinghagang Kaniyang isinalaysay sa Ebanghelyo ay talaga nga bang pinupuri ng Poong Jesus Nazareno? Nakasentro nga ba sa gawaing ito na tunay nga namang nakakasuka ang mga papuri ng Poong Jesus Nazareno?
Hindi nakasentro sa mismong gawain ng panloloko at pandaya ang papuri ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa wakas ng Ebanghelyo. Bagkus, nakasentro ito sa pag-iisip at pagkilos agad ng katiwala ito matapos ibalita sa kaniya ng mismo niyang amo mula sa kaniyang posisyon. Kahit hindi tama, gumawa siya ng paraan upang makuha ang loob ng ilan sa mga may utang sa dati niyang panginoon. Ang dati niyang amo ay kaniyang dinaya sa pamamagitan ng pagbabawas sa utang ng ilan sa mga may utang sa kaniya. Oo, madaya iyon, subalit epektibo para sa katiwalang ito na tinanggal ng dati niyang panginoon o amo dahil sa kaniyang pang-aabuso sa posisyon.
Ang aral na itinuturo sa atin ng Poong Jesus Nazareno ay huwag magdalawang-isip tungkol sa pakikipagkasundo sa Diyos at kapwa. Dapat tayong kumilos ayon sa mga utos at loobin ng Diyos. Mamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Piliin nating maging mabuti at banal. Isabuhay natin ang lahat ng mga utos at loobin ng Diyos nang sa gayon ay maging daluyan tayo ng Kaniyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob sa kapwa.
Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagpatotoo tungkol sa kaniyang papel at misyon bilang apostol at misyonero ni Kristo sa mga Hentil. Inilarawan niya kung ano ang dapat niyang gawin bilang apostol at misyonero ni Kristo sa mga Hentil. Bilang isang apostol at misyonero, kinailangan niyang kumilos agad upang makilala agad ng tanan ang Poong Jesus Nazareno. Sa Salmong Tugunan, inilarawan ang mabilis na pagkilos ng Panginoon alang-alang sa atin. Ipinagkaloob Niya sa lahat ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. Nang sumapit ang panahong Kaniyang itinakda, agad Niya itong ginawa sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Kung paanong kumilos agad ang Poong Jesus Nazareno alang-alang sa atin, dapat rin tayong kumilos agad. Dapat tayong kumilos agad upang maipakilala natin sa lahat ang Poong Jesus Nazareno. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito na bigay Niya sa atin. Bilisin natin ang pagkilos, katulad ng mabilis na pagkilos ng Poon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento