Biyernes, Disyembre 1, 2023

INANG TUMUTULONG SA MISYON

12 Disyembre 2023 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17/Judith 13/Lucas 1, 39-47 


"Hindi ba't narito ako, ang iyong Ina?" Binigkas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang mga salitang ito kay San Juan Diego sa isa sa mga isinagawa niyang pagpapakita sa kaniya sa burol na tinatawag na Tepeyac. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, binigyan niya ng kapanatagan ng loob si San Juan Diego na noon ay labis na nag-alala dahil sa karamdaman ng kaniyang tiyuhin sa mga sandaling yaon. 

Dahil lagi itong napapaloob sa panahon ng Adbiyento, kapag ang araw na ito ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang parangalan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa ilalim ng kaniyang titulong Mahal na Birhen ng Guadalupe. Ginugunita natin sa araw na ito kung paanong naging isang huwaran para sa lahat ng mga tagapaghatid ng Mabuting Balita ang Mahal na Ina. Bagamat siya ang Reyna ng Langit, ang Reyna ng tunay at walang hanggang dakilang Hari na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, hindi ito naging hadlang para kay Maria na tulungan ang Simbahan na ipakilala ang kaniyang Anak sa tanan. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa pagiging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita. Sa Unang Pagbasa, isang magandang balita mula sa Diyos ang inihatid ni Propeta Zacarias sa mga Israelita. Inilahad ni Propeta Zacarias ang mga salitang inihayag sa kaniya ng Diyos na maghahatid ng galak sa mga Israelita. Ang Panginoong Diyos ay makakapiling ng mga Israelita. Sa Salmong Tugunan, inilahad kung paanong si Judith ay isang biyaya mula sa Diyos. Katunayan, ang mga salitang tampok sa Salmong Tugunan ay binigkas ni Uzias na isa sa mga pinuno ng Israel. Ang Diyos ay naghatid ng kagalakan sa bayan ng Israel sa pamamagitan ng tagumpay na kinamit ni Judith. Biniyayaan ng Diyos si Judith ng lakas upang mapugutan niya ang ulo ni Holofernes. Sa Ebanghelyo, naglakbay nang napakalayo ang Mahal na Birheng Maria na dala-dala sa kaniyang sinapupunan ang pinakadakilang biyayang kaloob sa lahat ng Diyos na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno upang dalawin si Elisabet na kaniyang kamag-anak na nagdadalantao rin sa mga sandaling yaon. Hindi lamang dinala ni Maria ang kaniyang sarili kundi ang Salitang nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. 

Katulad ng kaniyang ginawa sa Ebanghelyo, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging tagapaghatid ng Mabuting Balita kay San Juan Diego. Sa pamamagitan niya, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nakilala ng lahat. Nagpakita siya kay San Juan Diego sa burol ng Tepayac hindi para ipakilala ang kaniyang sarili at ipagmalaki ang kaniyang posisyon bilang Reyna ng Langit at Lupa kundi upang ipakilala sa tanan ang minamahal niyang Anak na walang iba kundi si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno na Siyang bukal ng tunay na biyaya, galak, pag-ibig, habag, at awa. Bilang Reynang Ina, ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na tulungan ang Simbahan sa kaniyang misyon na ipakilala sa lahat si Kristo. Ito ang dahilan kung bakit siya nagpakita at nagpakilala bilang Birhen ng Guadalupe. 

Sa araw na ito, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na mayroon tayong kasama sa ating paglalakbay sa buhay natin dito sa mundo. Mayroon tayong kasama sa pagtupad ng ating tungkulin at misyon bilang Simbahan na ipalaganap ang Mabuting Balita. Lagi nating kasama ang Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Guadalupe. Bilang ating Inang Reyna, tutulungan niya tayo sa pagtupad ng ating misyon bilang mga saksi ng tunay at walang hanggang Hari at Hukom na si Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento