Sabado, Disyembre 30, 2023

KALIGTASANG BUNGA NG KANIYANG DAKILANG PAG-IBIG

6 Enero 2024 
Ika-6 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang  
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 5, 5-13/Salmo 147/Lucas 3, 23-28 (o kaya: 3,23. 31-34. 36. 38; o kaya: Marcos 1, 7-11) 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official • PABIHIS SA POONG HESUS NAZARENO • December 27, 2023 (Wednesday) (Facebook and YouTube


Kapag ang Ikaanim na Araw ng Enero ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, patuloy na tinatalakay at pinagninilayan ng Simbahan ang tunay na pagkakilanlan ng Banal na Sanggol na ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Layunin ng Simbahan na tulungan tayo sa pagpapalalim at paglago ng ating pagkilala sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang sa gayon ay maging tunay at tapat tayo sa ating pagpupuri, pamamanata, pagdedebosyon, pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. Tinutulungan tayong maging mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno. 

Muling nakasentro sa misyon ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nagbigay ng isang detalyadong buod si Apostol San Juan tungkol sa tagumpay ng Diyos. Ang Diyos ay nagkamit ng tagumpay sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, inilahad ang bersyon ni San Lucas ng talaan ng angkang kinabilangan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isa lamang ang layunin ng paglalahad ng talaang ito. Layunin ng talaang ito na ilarawan kung gaano tayo iniibig ng Diyos. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niyang maging bahagi ng isang angkan sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ginawa Niya ito upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang tanging dahilan kung bakit isinilang sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko ang Banal na Sanggol na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan ang dapat gawin ng lahat bilang tugon sa pag-ibig ng Diyos. Ang nararapat na tugon sa pasiya ng Diyos na ipakita sa lahat ang Kaniyang pag-ibig ay mag-alay ng papuri, parangal, paggalang, at pagsamba sa Kaniya na may taos-pusong katapatan at pananalig sa Kaniya. Bagamat hindi tayo karapat-dapat na mahalin ng Panginoong Diyos dahil sa ating mga kasalanan na 'di mabilang, ipinasiya ng Diyos na ipakita sa lahat ang Kaniyang pagmamahal. Si Jesus Nazareno mismo ay ang pinakadakilang tanda ng dakilang pag-ibig na ito ng Diyos. Dumating ang Poong Jesus Nazareno upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan dahil sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila. 

Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, nararapat lamang na ihandog natin sa Kaniya ang tapat at dalisay nating pag-ibig, pamamanata, pagdedebosyon, parangal, paggalang, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay Kaniyang iniligtas. Ang biyayang ito ay dapat nating pahalagahan sapagkat ito ay bunga ng pag-ibig Niyang dakila para sa lahat. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagiging mga tapat na salamin at tagapagpalaganap ng Kaniyang biyaya, pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento