Biyernes, Disyembre 15, 2023

PAANYAYA NG TUNAY NA UMIIBIG

24 Disyembre 2023 
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon [B] 
Ikasiyam at Huling Araw ng Simbang Gabi 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Roma 16, 25-27/Lucas 1, 26-38 

This faithful photographic reproduction of the painting of the Annunciation to Mary (German: Verkündigung Mariae) by Johann Matthias Kager (1575–1634), as well as the actual work of art itself from the Kunsthistorisches Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1634. This work is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.

Lagi nating itinutuon ang ating pansin, tinatalakay, at pinagninilayan ang tinatawag na "Fiat" o ang "Oo" ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos para sa kaniya kapag tinatalakay at pinagninilayan ang salaysay ng pagdalaw ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria upang ibalita sa kaniya na hinirang siya ng Diyos para sa isang napakahalagang misyon. Ang misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos ay walang iba kundi ang pagiging Ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Mesiyas at Manunubos na ipinangakong ipagkakaloob ng Diyos sa Kaniyang bayan. 

Muling itinatampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, ang Ikaapat at Huling Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon o Adbiyento at Ikasiyam at Huling Araw ng tradisyunal na Simbang Gabi, ang salaysay ng pagpapakita ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria upang ibalita sa kaniya na hinirang siya ng Diyos upang maging Ina ng Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno. Subalit, hindi lamang nakatuon ang Simbahan sa "Oo" na ibinigay ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos sa huling Linggo bago sumapit ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno. Bagkus, nakatuon ito sa tunay na dakilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ito. Isa lamang ang dahilan kung bakit Niya ginawa ito. Ang dahilan kung bakit ginawa ito ng Diyos ay ang Kaniyang pag-ibig. Wala nang iba pang dahilan kundi ang Kaniyang pag-ibig na dakila. 

Inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Nakasentro ang mga Pagbasa para sa Linggong ito sa mga salitang ito. Sa pamamagitan nito, muli nating itinutuon ang ating mga pansin sa misteryo ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Walang Pasko kung hindi mapagmahal ang Panginoon. Hindi ipagkakaloob ng Diyos sa atin ang dakilang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, kung ipinasiya Niyang patigasin ang Kaniyang Puso at maging manhid sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbitiw ng isang pangako kay Haring David. Isa sa mga anak ni Haring David ay magiging hari. Papalitan siya ng isa sa kaniyang mga anak bilang hari sa kaniyang pagpanaw. Kapag naging hari ang anak na ito ni Haring David, hindi siya pababayaan ng Panginoong Diyos. Lagi Niyang papatnubayan at gagabayan ang anak na ito ni Haring David na papalit sa kaniya bilang hari (2 Samuel 7, 12a. 14. 16). Tinupad nga ng Diyos ang pangakong ito noong si Haring David ay pinalitan ng isa sa kaniyang mga anak na si Haring Solomon. Pagpanaw ng dakilang haring si David, ang isa sa kaniyang mga anak na si Solomon ay naging hari. Mula sa oras ng simula ng paghahari ni Solomon, lagi siyang sinamahan ng Panginoong Diyos upang patnubayan, tulungan, at gabayan. Patunay ito na ang Panginoong Diyos ay tunay na tapat sa Kaniyang pangako. 

Oo, tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangako kay Haring David sa pamamagitan ng hindi pagpapabaya kay Haring Solomon, bagamat tinalikuran Siya ni Haring Solomon sa mga nalalabing sandali ng kaniyang buhay sa mundo. Subalit, mayroong higit na dakila kay Haring Solomon na magmumula rin sa angkan ni Haring David. Tunay nga namang higit na dakila ang Haring ito kaysa kina Haring David, Haring Solomon, at sa lahat ng mga naging hari o pinuno dito sa mundong ito. Ang Haring ito ay walang iba kundi si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Gaya ng inihayag ni Apostol San Pablo sa wakas ng kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, Siya lamang ang dapat bigyan ng papuri at pagsamba magpakailanman (Roma 16, 27). 

Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinagkaloob Niya sa atin ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Sa pag-ibig na ito namulat ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Bagamat hindi niya lubusang maintindihan kung bakit siya mismo ang hinirang ng Diyos at kung paano ito mangyayari, ibinigay pa rin ang kaniyang "Oo" bilang tugon sa paanyayang ito ng Diyos na tanggapin ang isang napakabigat na misyon at tungkulin bilang Ina ni Kristo. 

Hindi tumitigil ang Diyos sa pagbibigay ng mga pagkakataon at paanyaya sa lahat na tanggapin at tuparin ang Kaniyang kalooban. Sa pamamagitan nito, inaanyayahan ng Diyos ang lahat na palalimin ang ating ugnayan at relasyon sa Kaniya. Ito ay isa ring pagkakataon para sa atin na ipahayag ang ating taos-pusong pagsamba, pananalig, at pag-ibig para sa Kaniya. Ano ang ating tugon sa paanyayang ito ng Diyos? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento