25 Disyembre 2023
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 16th century) Madonna and Child with God the Father, the Holy Spirit, and Adoring Angels by Pieter Lisaert (1574–1630), as well as the actual work of art itself from Sotheby's Sale N08952 (New York, 2013-01-31–2013-02-01), lot 143, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang mga Pagbasa para sa Araw ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay nakatuon sa tanging dahilan kung bakit ito ay ang pinakamagandang kuwento. Sa Unang Pagbasa, inihayag na ililigtas ng Diyos ang lahat. Kaligtasan ang biyayang ipagkakaloob ng Diyos sa Kaniyang mga hinirang sa Kaniya. Darating Siya upang magligtas. Sa Salmong Tugunan, inihayag ng tampok na mang-aawit na mahahayag sa lahat ang tagumpay ng Diyos. Mahahayag ito sa lahat sa pamamagitan ng Kaniyang pagliligtas. Ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ay nagbigay ng isang maikli at detalyadong buod tungkol sa gawang ito ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Isinagawa ito ng Diyos pagdating ng takdang panahon sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, si Jesus Nazareno ay ipinakilala bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at naging kapiling ng lahat bilang isang tao gaya natin, maliban na lamang sa kasalanan, upang maging handog para sa ating kaligtasan.
Sa totoo lamang, hindi namang kinailangan ng Diyos na gawin ito. Magmula noong ipinasiya nina Adan at Eba na suwayin ang Kaniyang utos na huwag kainin ang bunga mula sa puno sa gitna ng Halamanan ng Eden, maaari na lamang pabayaan ng Diyos ang buong sangkatauhan na tuluyang mapahamak dahil sa kanilang pagkalugmok sa kasalanan. Wala namang pananagutan ang Panginoong Diyos sa atin. Mga likha Niya lamang tayo. Kung nanaisin ng Diyos, lilikha Siya ng ibang mga nilalang na higit na dakila kaysa sa mga tao. Tiyak na alam rin ng Panginoong Diyos na magmula noon, patuloy na susuwayin ng tao ang Kaniyang mga utos. Batid rin ng Diyos na paulit-ulit na lamang Siya mapapailing, maiinis, magagalit, at masasaktan nang lubos dahil ang lahat ng mga tao ay paulit-ulit na lamang magkakasala. Sa halip na iligtas tayo, mas mabuti pang magpakasarap na lamang ang Diyos sa Kaniyang kaharian sa langit.
Bagamat hindi Niya kinailangang gawin ito, ipinasiya pa rin ng Panginoong Diyos na gawin ito para sa atin. Ipinasiya ng Diyos na dumating upang ipagkaloob sa atin ang Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kahit batid ng Diyos na magkakasala naman tayo nang paulit-ulit, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito upang mailigtas tayo mula sa kapahamakan dulot ng kasalanan at kamatayan. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos na lubos Niya tayong pinahalagahan. Oo, batid rin ng Diyos na mayroong mga hindi magpapahalaga sa biyayang Kaniyang dulot at hatid sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak. Hindi Niya responsibilidad at tungkulin na baguhin ang ating isip. Tayo mismo ang magpapasiya nito. Ngunit, hindi mahalaga iyon para sa Diyos. Handa Siyang tiisin ang lahat ng iyon dahil tayong lahat ay tunay at lubos Niyang iniibig, kinaawaan, at kinahahabagan.
Ipinapahayag ng Banal na Sanggol na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Kahit na wala namang pananagutan sa atin ang Diyos dahil ang bawat isa sa atin ay Kaniyang mga likha lamang, ipinasiya pa rin Niya tayong iligtas. Wala ring responsibilidad ng Diyos na baguhin ang ating isip at gawing banal. Babaguhin Niya lamang ang mga magbubukas ng kanilang mga puso at loobin sa Kaniya at sa Kaniyang kalooban. Subalit, dahil sa Kaniyang habag, awa, kabutihan, pag-ibig, kagandahang-loob, ipinasiya pa rin Niya tayong iligtas upang tayong lahat ay maligtas. Pinagkakalooban rin tayo ng Diyos ng pagkakataong ibukas ang ating mga sarili sa Kaniya at sa Kaniyang kalooban sa pamamagitan nito.
Dahil sa pag-ibig, kabutihan, habag, kagandahang-loob, at awa ng Diyos, niloob Niya tayong tubusin. Ito ang dahilan kung bakit ang pinakamagandang kuwento ay ang kuwento ng Pasko. Naging pinakamagandang kuwento para sa lahat ang kuwento ng Pasko dahil ipinasiya ng Diyos na ipakita sa atin ang Kaniyang kabutihan noong gabi ng unang Pasko. Ang Banal na Sanggol na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ay ang pinakadakilang paalala nito.
Muli po, Maligayang Pasko po sa lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento