Huwebes, Disyembre 14, 2023

SAGISAG NG KANIYANG KATAPATAN

23 Disyembre 2023 
Ikawalong Araw ng Simbang Gabi 
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66

This faithful photographic reproduction of the painting (c. From 1750 to 1753) The Nativity of St. John the Baptist (Português: Natividade de São João Batista) by Corrado Giaquinto (1703–1766), as well as the actual work of art itself from the Museu Nacional de Belas Artes, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


Tiyak na maraming ulit na nating narinig, tinalakay, at pinagnilayan bilang Simbahan ang katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay tunay ngang matapat sa Kaniyang pangako. Sa pamamagitan ng Kaniyang katapatan, inihahayag ng Diyos na tunay nga natin Siyang maaasahan. Kung mayroong mga pagkakataong hindi maaasahan ang mga tao, ang Diyos ay laging maaasahan sa lahat ng oras at pagkakataon. Hindi Siya nakakalimot kailanman. Lagi Niyang tinutupad ang mga pangakong Kaniyang binibitiwan sa mga oras at panahong Kaniyang itinakda. Isinasalamin at sinasagisag ng laging pagtupad ng Diyos sa Kaniyang mga pangako sa panahong itinakda Niya ang katapatan Niyang walang maliw. Dahil dito, tunay ngang maaasahan ang Diyos. 

Ang katotohanang ito ay muling binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan habang unti-unting nalalapit ang pagsapit ng araw ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Noong unang Pasko, tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangako. Dumating Siya upang iligtas ang Kaniyang bayan sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Kaya naman, sa paksang ito nakasentro ang mga Pagbasa upang tulungan tayo sa pagpapatuloy ng ating taimtim na paghihintay at paghahanda ng ating mga sarili para sa pagsapit ng nasabing Dakilang Kapistahan. Sa Unang Pagbasa, malakas na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang propetang hinirang na si Malakias na darating Siya upang iligtas, linisin, at dalisayin ang Kaniyang bayan. Bukod pa roon, sinabi ng Panginoong Diyos sa huling bahagi ng Unang Pagbasa na bago Siya dumating, mayroong isa pang sugo na darating, si Propeta Elias, upang tulungan ang lahat na ihanda ang kanilang mga sarili para sa Kaniyang pagdating (Malakias 3, 23-24). Nakasentro sa pangako ng Panginoong Diyos ang mga salita sa Salmong Tugunan na hango sa mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno: "Itaas n'yo ang paningin, kaligtasa'y dumarating" (Lucas 21, 28). Katunayan, isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang walang maliw na katapatan ng Diyos nang bigkasin ang mga salitang ito: "Mabuti ang Poon at makatarungan" (Salmo 24, 8). Ito ang sinasagisag ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Hindi Siya nakakalimot sa Kaniyang pangako kailanman. Tampok ang salaysay ng pagsilang ng tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si San Juan Bautista sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagsilang ni Juan Bautista, muling inihayag ng Panginoon na tapat Siya sa pangakong Kaniyang binitiwan. Ang pangakong ito ay hindi lamang para kina Zacarias at Elisabet kundi na rin para sa Kaniyang bayan at sa buong sangkatauhan. Mayroong mahalagang papel, misyon, at tungkuling ibinigay ang Diyos kay San Juan Bautista. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na tunay ngang matapat ang Diyos. Kahit ilang ulit na natin itong naririnig, tinatalakay, at pinagninilayan, mahalagang pagnilayan muli ang katotohanang ito tungkol sa Panginoong Diyos. Hindi natin dapat kalimutan ang katapatan ng Panginoon. Katunayan, lagi itong ipinapaalala sa atin mismo ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga biyaya. Ang mga biyaya ng Diyos ay mga salamin, tanda, sagisag, at paalala ng Kaniyang walang maliw na katapatan. 

Mahirap magtiwala sa mga tao ngayon. Hindi natin malaman kung ang isang tao ay tunay ngang maaasahan at mapagkakatiwalaan. Iyon nga lamang, kapag napakasikat ang isang tao, agad na ibibigay ng nakararami ang kanilang tiwala. Kahit yaong mga sikat na pinuno, pinagkakatiwalaan agad ng marami sa lipunan. Alam naman ng lahat na hindi tama yaong mga pasiya at gawain ng maraming mga pinuno, subalit hindi ito dahilan para sa marami sa lipunan na magtiwala sa mga pinunong ito. Katunayan, pinagtatanggol pa nga nila ang mga pinunong ito, kahit mali ang kanilang ginagawa. Bakit nga ba ipinipilit ng marami sa lipunan na pagkatiwalaan ang mga hindi naman dapat pagkatiwalaan? Hindi nga nila tinutupad ang kanilang mga pangako. Nawawala sila na parang bula kapag kailangang tuparin ang kanilang mga pangako na maging mga mabuting lingkod. 

Hindi na nating kailangang maghanap ng isang mapagkakatiwalaan at maaasahan sa lahat ng oras dahil lagi Siyang kasama natin. Isa lamang ang mapagkakatiwalaan at maaasahan nating lahat - ang Panginoong Diyos. Lagi Siyang tapat sa Kaniyang mga pangako. Ang Kaniyang mga pangako ay lagi Niyang tinutupad sa panahong tanging Siya mismo ang nagtakda. Kaya naman, marapat lamang natin Siyang pagkatiwalaan at asahan sa lahat ng oras at sandali sa ating buhay. 

Lagi nating tatandaang hindi lamang patunay ng kapangyarihan ng Diyos ang mga biyayang Kaniyang ipinagkakaloob sa atin. Bagkus, ang mga ito ay mga sagisag at mga salamin ng Kaniyang katapatang walang maliw. Hindi magmamaliw kailanman ang katapatan ng Panginoong Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento