1 Enero 2024
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalong Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Kapayapaan
Ikalawang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 16th century) The Adoration of the Shepherds by Bernardo Castello (1557–1629), as well as the actual work of art itself from the National Galleries Scotland via Art UK, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1629. This work of art is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Tuwing sasapit ang Bagong Taon sa sekular na kalendaryo, madalas na itinatampok at binibigyan ng pansin ang mga pamahiin at pampasuwerte. Mayroong mga dapat gawin ang isang tao upang maging masuwerte sa darating na taon gaya na lamang ng pagsusuot ng damit na mayroong partikular na disenyo - pula o kaya naman may mga polka dots - at pagbili ng mga bilog na prutas. Kamalasan ang sasapitin ng mga hindi susunod sa mga ito. Dahil dito, ipinapasiya ng marami na gawin ito. Ang mga pampasuwerte ay mga susi at daan sa magandang buhay para sa marami. Ito ang dahilan kung bakit labis nilang pinahahalagahan ang mga pampasuwerte.
Ang unang araw ng Bagong Taon sa sekular na kalendaryo ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahang ito, ang ating mga pansin ay itinutuon ng Santa Iglesia sa dapat nating pahalagahan. Hindi natin dapat pahalagahan ang mga pampasuwerte at mga pamahiin. Bagkus, ang dapat nating pahalagahan ay ang biyaya ng Diyos.
Sa biyaya ng Panginoong Diyos nakasentro ang mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Ipinapaalala ng Simbahan sa atin sa araw na ito kung bakit ang biyaya ng Diyos ay dapat nating pahalagahan. Ang biyaya ng Panginoong Diyos ay hindi lamang sagisag, larawan, at tanda ng Kaniyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos. Bagkus, sinasagisag rin ng mga biyayang nagmumula sa Diyos ang Kaniyang tapat at dakilang pag-ibig para sa atin na hindi magmamaliw kailanman.
Nakasentro sa biyaya ng Diyos ang mga salita sa rito ng pagbabasbas sa mga tao na inilahad sa Unang Pagbasa. Katunayan, ang mga salitang ito sa rito ng pagbabasbas sa mga tao ay nagmula mismo sa Diyos. Iniutos ng Panginoong Diyos kay Moises na gamitin ng mga saserdote na pinangungunahan ni Aaron ang mga salitang ito sa tuwing babasbasan nila ang mga tao. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang Diyos ay nagpakilala ng Kaniyang sarili bilang bukal ng biyaya. Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay mga salitang nagpapatotoo sa kaluwalhatian ng biyaya ng Diyos na sumasalamin sa dakila Niyang habag at pag-ibig para sa atin. Sa pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno nakasentro ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Buong linaw na inilarawan ni Apostol San Pablo ang natatanging dahilan kung bakit ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos ay walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan mula sa mga puwersa ng kasalanan at kamatayan. Dumating sa daigdig na ito ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Sa Ebanghelyo, ang mga pastol ay nagsintungo sa Betlehem upang ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay kanilang madalaw at handugan ng papuri, parangal, paggalang, at pagsamba. Inihayag ng mga pastol sa Banal na Sanggol ang kanilang taos-pusong pagpapahalaga sa Kaniya na kaloob ng Diyos sa lahat.
Dumating ang Poong Jesus Nazareno upang ipahayag sa atin ang Kaniyang pag-ibig at habag na nagdudulot ng kaligtasan. Subalit, bakit nga ba nating tinatanggihan ang biyayang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Ang biyayang ito ay tinatanggihan natin sa tuwing ipinapasiya nating umasa sa mga pamahiin at pampasuwerte. Hindi pinapansin at hindi pinahahalagahan ng nakararami ang pagusyo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga pampasuwerte. Bakit ba mas madali para sa nakararami na pahalagahan ang mga pampasuwerte at pamahiin kaysa pahalagahan ang biyaya ng Poong Jesus Nazareno?
Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, inibig at ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na ipagkaloob sa atin ang Kaniyang biyaya. Hindi natin ito dapat balewalain. Bagkus, dapat natin itong pahalagahan. Ito ay dahil sinasagisag ng biyaya ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang tapat na pag-ibig para sa atin na hindi magmamaliw kailanman.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito kung ano ang dapat pahalagahan ng bawat isa sa atin bilang Simbahan. Hindi natin dapat pahalagahan ang mga pamahiin at pampasuwerte. Bagkus, ang dapat nating pahalagahan ay ang biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagpapahalaga natin sa biyaya ng Panginoong Diyos, ipinapahayag natin ang ating pagpapahalaga sa tapat Niyang pag-ibig para sa atin. Ang biyaya ng Diyos ay hindi lamang sagisag ng Kaniyang kapangyarihan. Tanda rin ito ng Kaniyang tapat na pag-ibig para sa atin.
Mapagpalang Bagong Taon sa lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento