31 Disyembre 2023
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose [B]
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3 (o kaya: Sirak 3, 3-7. 14-17 - gr. 2-6. 12-14)/Salmo 104 (o kaya: Salmo 127)/Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19 (o kaya: Colosas 3, 12-21)/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22. 39-40)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1516) Presentation of Christ in the Temple by Fra Bartolomeo (1472–1517), as well as the original work of art itself from the Kunsthistorisches Museum in Vienna, Austria, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
"Hesus, iniibig Kita." Ito ang mga salitang binigkas ng yumaong dating Santo Papa na si Papa Benito XVI. Sa mga huling sandali ng kaniyang buhay dito sa mundo bago siya pumanaw, inihayag ni Papa Benito XVI ang kaniyang tapat na pag-ibig para sa Poong Jesus Nazareno. Ang mga salitang ito ay isang pahiwatig na hindi nagsawa kailanman ang yumaong si Papa Benito XVI sa pagpapahayag ng kaniyang tapat na pag-ibig sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Laging nakasentro sa Poong Jesus Nazareno ang kaniyang puso at isipan. Isa itong pahiwatig na hindi siya nagsawa sa pagsasalita sa lahat tungkol sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nakasentro kay Kristo ang buong buhay ni Papa Benito XVI hanggang sa kaniyang huling hininga.
Kapag hindi tumapat sa araw ng Linggo ang Pasko ng Pagsilang at Bagong Taon, ang araw ng Linggo sa Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ay inilaan ng Inang Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose. Sa araw na ito, tayong lahat ay pinaalalahanan ng Simbahan na naging bahagi ng isang pamilya ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Hindi dumating sa isang iglap lamang ang Panginoong Jesus Nazareno, kahit mayroon naman Siyang kapangyarihang gawin iyon. Ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging bahagi ng isang pamilya na walang iba kundi ang Banal na Pamilya ng Nazaret. Ang pasiyang ito ay salamin ng Kaniyang pag-ibig para sa atin. Naging katulad natin ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno sa lahat ng bagay bilang tao, maliban na lamang sa kasalanan (Hebreo 4, 15). Sa pamamagitan nito, inihayag nang buong linaw ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang intensyon at hangarin. Ang hangarin, layunin, at intensyon ni Jesus Nazareno ay mapalapit sa atin.
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa katapatan ng Diyos sa mga pangakong binitiwan. Pinatunayan ng lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na hindi Siya nakakalimot ng mga pangakong binitiwan. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, tinutupad ng Diyos ang Kaniyang mga pangako. Kahit hindi naging tapat sa Kaniya sa lahat ng oras ang tao, ipinasiya pa rin Niyang maging tapat. Ito ang dahilan kung bakit bahagi ng Banal na Pamilya ng Nazaret ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bagamat Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ipinasiya pa rin ng Senor na maging bahagi ng isang pamilya kasama si San Jose at ang Birheng Maria.
Sa Unang Pagbasa, ipinangako ng Diyos si Abraham na noo'y tinawag na Abram na magkakaroon siya ng isang anak. Isang lahi ang magmumula sa kaniya. Tinupad ng Diyos ang pangakong ito kay Abraham sa pamamagitan ni Isaac. Nakasentro rin ang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa pananalig ni Abraham. Bagamat ang pangakong ito ay napakahirap unawain nang lubusan, ipinasiya pa rin ni Abraham na ialay ang kaniyang buong puso at sarili sa Diyos nang may tapat at taos-pusong pananalig. Sa Ebanghelyo, buong lakas at pananalig sa Diyos na inihayag ni Simeon noong kinalong niya ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na tinupad ng Diyos ang Kaniyang binitiwang pangako sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na ito.
Dahil hindi magmamaliw kailanman ang katapatan ng Diyos, inaanyayahan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat na purihin sa pag-awit ang Diyos nang buong galak. Napakalinaw na itinuturo ng mang-aawit sa Salmong Tugunan na tayo'y hindi bibiguin ng Panginoong Diyos kailanman. Ang Panginoong Diyos lamang ang tangi nating maaasahan at mapagkakatiwalaan. Kaya, marapat lamang na handugan natin Siya ng tapat na pag-ibig, pananalig, at pagsamba.
Muli tayong pinaaalalahanan ng Simbahan sa Linggong ito na hindi magmamaliw ang katapatan ng Diyos. Kahit na hindi tayo naging tapat sa Kaniya nang paulit-ulit gawa ng ating pagiging mga makasalanan, ipinasiya pa rin Niyang maging tapat sa atin. Si Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang larawan at sagisag nito. Dahil sa tapat na pag-ibig para sa atin, sa kabila ng Kaniyang pagiging tunay na Diyos, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na maging bahagi ng Banal na Pamilya sa Nazaret.
Tunay ngang walang maliw ang pag-ibig at katapatan ng Poong Jesus Nazareno para sa atin. Kaya naman, nararapat lamang na handugan rin natin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ng tapat at dalisay na pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. Sa pamamagitan ng tapat na pananalig at pagsunod sa Kaniyang mga utos at loobin, inihahayag natin ang ating tapat na pag-ibig at pagsamba sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento