Sabado, Disyembre 2, 2023

MAYROON SIYANG HINAHANAP SA ATIN

15 Disyembre 2023 
Biyernes ng Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon 
Isaias 48, 17-19/Salmo 1/Mateo 11, 16-19 

SCREENSHOT: Quiapo Church Official • PABIHIS sa Poong Hesus Nazareno • 23 Nobyemre 2023 (Huwebes) [Facebook and YouTube]


Habang ipinagpapatuloy natin bilang Simbahan ang taimtim na paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoon sa panahong ito ng Adbiyento, ang ating mga pansin ay itinutuon ng Simbahan sa mga dapat nating gawin. Ang bawat isa sa atin ay hindi lamang pinaalalahanang maghanda dahil darating ang Panginoon. Bagkus, itinuturo rin ng Simbahan sa atin kung ano ang nararapat nating gawin upang maging maayos, makabuluhan, dalisay, taimtim, at taos-puso ang ating paghahanda ng sarili para sa Kaniyang pagdating.

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito ng Biyernes na napapaloob sa banal na panahong ito ng Adbiyento na may hinahanap sa atin ang Poong Jesus Nazareno bago Siya dumating. Mayroon Siyang nais makita sa atin. Kapag nakita Niya ito sa ating mga puso at loobin sa Kaniyang pagdating, labis Siyang matutuwa sa atin dahil pinatunayan nating tunay natin Siyang iniibig, pinananaligan, at sinasamba. Nais Niya malaman kung tunay nga ba natin Siyang iniibig. 

Sa Unang Pagbasa, ang pakiusap ng Panginoong Diyos para sa Kaniyang hirang na bayan na walang iba kundi ang bayang Israel ay inilahad ni Propeta Isaias. Isa lamang ang pakiusap ng Diyos - sumunod sa Kaniyang mga utos (Isaias 48, 18). Katunayan, tinulungan na nga ng Diyos ang Kaniyang bayan kung paano nila Siya mapapasaya sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ang Diyos ay hindi nagpakipot. Diniretsyo Niya ang Kaniyang bayan. Malinaw na inilarawan ng Diyos sa Kaniyang bayan ang Kaniyang hinahanap. Parang sinasabi ng Diyos na hindi naman Siya mahirap suyuin. Nais ba nating masiyahan ang Diyos sa atin? Tuparin lamang natin ang Kaniyang mga utos at loobin. Gawin rin natin ito nang tapat at taos-puso. 

Ang pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos ay binigyan rin ng pansin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Pagpapalain ng Diyos ang lahat ng mga tutupad sa Kaniyang mga utos at loobin nang taos-puso hanggang sa huli. Inihahayag ng mga taos-pusong mamumuhay ayon sa mga utos at loobin ng Diyos ang kanilang tapat at dalisay na pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. 

Kaya naman, ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay sumasalamin sa Kaniyang pagka-dismaya. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay labis na nadismaya sapagkat hindi pa rin maintindihan ng mga tao noong una Siyang dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan, kahit na napakalinaw ang sinabi ng Diyos sa Lumang Tipan kung ano ang dapat nilang gawin upang kalugdan sila ng Diyos. Ipinadala ng Diyos ang mga propetang tulad ni Propeta Isaias at maging si San Juan Bautista na siyang huling propeta bago dumating ang tunay na Mesiyas at Manunubos na pinananabikan ng lahat na walang iba kundi si Jesus Nazareno pero hindi pa rin nila binuksan ang kanilang mga puso sa Kaniya. Sa halip na makinig, pinagdudahan pa nila ang mga isinugo ng Diyos, kahit ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Pagdating ng Poong Jesus Nazareno, makikita ba Niya sa ating mga puso at loobin ang Kaniyang hinahanap? Tinulungan na nga tayo ng Mahal na Poon kung ano ang dapat nating gawin upang maging kalugud-lugod sa Kaniyang paningin at mabigyan Siya ng saya. Huwag nating sayangin ang pagtulong na ito ng Señor. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento