Huwebes, Disyembre 7, 2023

DUMATING PARA SA LAHAT

16 Disyembre 2023 
Unang Araw ng Simbang Gabi 
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36

Screenshot: Simbang Gabi - December 15, 2022 (8:00 pm) - Manila Cathedral YouTube channel and Facebook page


Nasasaad sa Unang Pagbasa para sa araw na ito na tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng mga bansa ang Templo ng Panginoong Diyos (Isaias 56, 7). Ang mga salitang ito ay tiyak na pamilyar para sa marami sa atin sapagkat ang mga salitang ito ay binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno noong pinalayas Niya mula sa Templo ang lahat ng mga nagtitinda ng baka at kalapati at nagpapalit ng mga salapi (Mateo 21, 13; Marcos 11, 17; Lucas 19, 45). Hango mula sa bahaging ito sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang mga unang salitang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno habang pinalayas Niya ang lahat ng mga nagpapalit ng salapi at nagtitinda ng mga kalapati at baka mula sa Templo. 

Ang Unang Araw ng taunang tradisyunal na siyam na araw na inilaan para sa taimtim na paghahanda ng sarili para sa nalalapit na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na kilala natin bilang Simbang Gabi, ay nakasentro sa mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Hindi lamang para sa isang lahi, lipi, bayan, o bansa dumating ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, para sa lahat ang biyayang ito. Dumating si Jesus Nazareno upang iligtas ang lahat ng mga tao sa mundo, anuman ang wika, lahi, lipi, bayan, o bansang kinabibilangan nila. 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na iniibig at kinahahabagan ng Diyos ang lahat. Hindi ipagkakait ng Panginoong Diyos ang Kaniyang mga biyaya sapagkat hindi sila bahagi ng isang partikular na lahi, lipi, bayan, o bansa. Ang lipi, lahi, bayan, o bansang kinabibilangan ng bawat tao ay hindi ginagamit ng Panginoong Diyos bilang dahilan upang pagkalooban o pagkaitan sila ng Kaniyang biyaya, kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa. Walang pinipili o kinikilingan ang Panginoon. Kahit na hindi karapat-dapat ang sangkatauhan dahil sa dami ng kanilang mga kasalanan, niloob at minarapat pa rin ng Panginoon na biyayaan, ibigin, at kahabagan sila. 

Kaya naman, sabi rin ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa para sa araw na ito, ang Unang Araw ng Simbang Gabi: "Di dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos, na siya'y hindi papayagan ng Panginoon na makisama sa pagsamba ng Kaniyang bayan" (Isaias 56, 3a). Ito rin ang temang binigyan ng pansin ng mang-aawit sa Salmo: "Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng mga tao" (Salmo 66, 4). Ang Diyos ay Diyos ng lahat. Wala Siyang pinipiling lahi, lipi, bayan, at bansa. Dahil dito, ipinagkaloob Niya sa lahat ang pinakadakilang biyaya na walang iba kundi ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno na nagsabi sa Ebanghelyo na pinatutunayan ng pagtupad Niya sa ipinagagawa sa Kaniya ng Ama sa langit na tunay nga Siyang sinugo Niya (Juan 5, 36). Bakit Siya dumating sa mundo? Upang tubusin ang lahat ng mga tao. 

Hindi namimili ang Diyos. Wala Siyang pinipiling lahi, lipi, bayan, at bansa. Para sa lahat ang mga biyayang kaloob Niya. Ang pinakadakilang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tayo na mismo ang magpapasiya kung bubuksan natin ang ating mga sarili sa mga biyayang ito na Kaniyang kaloob. Ganyan tayo kamahal ng Diyos. Kahit na kusang-loob Niya tayong binibiyayaan, binibigyan pa rin Niya tayo ng pagkakataon at kalayaang magpasiya para sa ating mga sarili. Dahil dito, wala tayong karapatang sabihing mayroong pinapaburan ang Diyos. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan Niyang Siya'y para sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento