3 Enero 2024
Ika-3 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang
Paggunita sa Kabanal-Banalang Ngalan ng Ating Panginoong Jesus Nazareno
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 2, 29-3, 6/Salmo 97/Juan 1, 29-34
SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official • 5AM #MassAtDawn • 25 December 2023 • THE NATIVITY OF THE LORD #Christmas (Facebook and YouTube)
Kapag ang ikatlong araw ng Enero ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, ang ikatlong araw ng Enero ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Kabanal-Banalang Ngalan ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa araw na ito, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang dahilan kung bakit ang Poong Jesus Nazareno ay nagpasiyang dumating sa mundong ito. Habang pinararangalan at sinasamba natin nang buong kataimtiman ang Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan, marapat lamang na pagnilayan natin ang dahilan kung bakit Siya naparito sa mundo.
Ang ibig sabihin ng Pangalang "Hesus" ay "Ang Diyos ay nagliligtas." Ito rin ang ibig pagtuunan ng pansin ng isang sagisag ni Kristo na tinatawag na Christogram na IHS na nangangahulugang "Iesus, Hominem Salvator." Sa Tagalog, "Hesus, Manunubos ng Sangkatauhan." Napakalinaw na isinasalungguhit ng Kabanal-Banalang Ngalan ang misyon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas. Pagsapit ng takdang panahon, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan. Niloob ng Diyos na dumating Siya sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Katunayan, Siya mismo ay ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan.
Isa lamang ang naging pakay ng Poong Jesus Nazareno noong una Siyang dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Dumating sa mundong ito ang Poong Jesus Nazareno upang iligtas ang sangkatauhan, gaya ng isinasalungguhit ng kahulugan ng Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan. Kaya naman, ang Panginoong Jesus Nazareno ay ipinakilala ng kamag-anak Niyang si San Juan Bautista sa lahat ng mga nakikinig sa kaniya bilang Kordero ng Diyos (Juan 1, 29). Bukod sa pagpapakilala kay Jesus Nazareno bilang Kordero ng Diyos, inilarawan rin ni San Juan Bautista kung paano siya nakakatiyak na si Jesus Nazareno nga talaga ay ang Kordero ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas. Sabi ni San Juan Bautista na tinulungan siya ng Diyos na makilala kung sino ang tunay na Mesiyas at Manunubos - at si Jesus Nazareno iyon (Juan 1, 31-34). Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak.
Sa Salmong Tugunan, ang mang-aawit ay nagpatotoo tungkol sa dakilang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Nahayag sa pamamagitan ng pagliligtas ng Diyos ang Kaniyang tagumpay. Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit sa Salmo ay tinupad ng Diyos noong sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno.
Nakasentro sa pananatili sa Poong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Isinalungguhit ni Apostol San Juan ang halaga ng pananatiling tapat kay Kristo sa pangaral na ito. Para kay Apostol San Juan, ito ang pinakadalisay na paraan ng pagbibigay ng papuri, parangal, paggalang, at pagsamba sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ito ang magiging patunay na tunay at taos-puso ang ating pag-aalay ng papuri, pasasalamat, parangal, at paggalang sa Kaniya. Hindi sapat na sabihing "Ako'y deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno." Bagkus, dapat isabuhay rin natin araw-araw ang ating debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dapat tayong mamuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Ang kalooban ng Panginoong Diyos para sa atin ay dapat nating tanggapin at tuparin. Sa pamamagitan nito, mapapatunayan nating tunay at autentiko ang ating debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Dumating sa mundong ito ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sapagkat ibig Niya tayong iligtas. Ang kahulugan ng Kaniyang Pangalan ay isang pahiwatig nito. Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, dapat nating purihin, parangalan, igalang, at sambahin ang Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan. Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin nang buong pananalig at katapatan hanggang wakas, maiaalay natin sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang ating tapat at taos-pusong papuri, parangal, paggalang, at pagsamba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento