Sabado, Disyembre 30, 2023

BUONG SARILI ANG KANIYANG BINUKSAN AT INIALAY

4 Enero 2024
Ika-4 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 3, 7-10/Salmo 97/Juan 1, 35-42 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official • 6AM #OnlineMass • 26 DEC. 2023 • Feast of #SaintStephen, First Martyr (Facebook and YouTube


Kapag ang Ikaapat na Araw ng Enero ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, patuloy na itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa tunay na pagkakilanlan ng Banal na Sanggol na isinilang sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Ang mga katangian ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno ay lalo pang pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan. Sa pamamagitan nito, inaanyayahan tayo ng Simbahan na lalo pa nating palaguin ang ating pagkilala sa Mahal na Poong Jesus Nazareno upang lalo pa natin Siyang tanggapin, mahalin, purihin, at sambahin nang may taos-pusong katapatan at pananalig sa Kaniya. 

Nakasetro ang mga Pagbasa sa pagiging bukas ng Poong Jesus Nazareno. Hindi Niya isinasara ang Kaniyang sarili sa atin. Bagkus, binubuksan Niya ang buo Niyang sarili sa atin. Isang pahiwatig nito ay ang Kaniyang pasiyang dumating sa mundong ito. Sa totoo lamang, hindi naman Niya kinailangang gawin iyon. Kahit na hindi naman Niya kailangang gawin iyon, ipinasiya pa rin Niya itong gawin dahil sa Kaniyang pag-ibig. Dahil sa Kaniyang pag-ibig para sa atin, ipinasiya Niyang buksan ang mga pintuan ng langit para sa atin sa pamamagitan ng pagdulot ng kaligtasan sa atin. Tayong lahat ay mayroon na'ng pagkakataong makapasok sa langit sapagkat ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na buksan at ialay ang buo Niyang sarili sa atin. 

Sa Ebanghelyo, pinaunlakan ng Poong Jesus Nazareno ang kahilingan ng dalawa sa mga tagasunod ni San Juan Bautista na malaman kung saan Siya nakatira. Iyon nga lamang, higit pa sa pagpapakita ng sarili Niyang bahay sa dalawang ito ang ginawa ng Panginoong Jesus Nazareno. Hindi Niya ipininid at itinago ang buo Niyang sarili sa dalawang alagad na ito, kahit na maaari nating sabihing noong sandali lamang Niya unang nakita ang dalawang alagad na ito. Bagkus, pinahintulutan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang dalawang tagasunod na ito ng Kaniyang kamag-anak na maging bahagi ng Kaniyang buhay. Kung paanong binukas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang buong sarili sa dalawang alagad na ito ni San Juan Bautista, binuksan rin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili sa atin at maging ang mga pintuan ng langit para sa atin. 

Inilarawan ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa kung ano ang dapat nating gawin bilang tugon sa pagbukas ng Poong Jesus Nazareno ng Kaniyang sarili sa atin. Dapat nating talikuran at iwasan ang kasalanan at mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi natin dapat sayangin ang pagkakataong bigay sa atin ng Poong Jesus Nazareno upang maging banal. Sa pamamagitan ng pagbukas at pag-alay ng Kaniyang buong sarili sa atin, iniligtas tayo ng Poong Jesus Nazareno mula sa kasalanan at kamatayan. Binigyan tayo ng Poong Jesus Nazareno ng pagkakataong mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin sa pamamagitan rin ng gawang ito na tunay ngang dakila. Kaya naman, buksan rin natin ang ating mga sarili upang makapasok rin sa ating buhay ang Poong Jesus Nazareno. 

Ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na naghahayag ng Kaniyang tagumpay ay muling pinatotohanan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa Salmong Tugunan, ang Panginoong Diyos ay muling ipinakilala bilang Tagapagligtas. Binigyan rin ng maikling buod ang lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos sa Salmong Tugunan. Ito ay isang malinaw na pahiwatig ng pasiya ng mang-aawit na itinatampok sa Salmong Tugunan. Kusang-loob rin niyang buksan at inialay ang buo niyang sarili sa Diyos bilang Kaniyang instrumento. 

Hindi ipinagkait, itinago, at ikinubli ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa lahat ang buo Niyang sarili. Bagkus, binuksan at inialay Niya ito nang buong-buo dahil sa Kaniyang pag-ibig para sa atin. Kaya naman, ang nararapat na tugon sa ginawang ito ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang taos-pusong pagbukas at pag-alay ng mga buo nating sarili sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, binubuksan natin ang ating mga sarili sa Kaniya at Kaniyang kalooban. Ito ang tugong magpapahayag ng taos-pusong pag-ibig, pananalig, katapatan, pagpaparangal, at pagsamba sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento