19 Disyembre 2023
Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25
This image from Good News Productions International and College Press Publishing which was made available through FreeBibleimages with their permission is available through a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivatives 4.0 (CC BY-NC-ND 4.0) International License.
Mapagkakatiwalaan at maaasahan ba ang lahat ng ating mga nababalitaan? Tiyak na isang malakas na "Hindi" ang isasagot ng marami sa atin dahil laganap sa panahon ngayon ang pekeng balita. Hindi lahat ng mga balitang naririnig natin ay totoo. Dahil dito, tayong lahat ay laging pinaaalalahanan na mag-ingat at suriing mabuti ang mga balitang binabasa o pinakikinggan natin. Sa totoo lamang, napakahirap itong gawin sapagkat laganap na sa lipunan ang mga pekeng balita. Tiyak na habang tumatagal, lalo lamang ito lumalala dahil sa dami ng mga nauuto sa mga balitang ito.
Kung ang panauhing itinatampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito na si Zacarias, ang ama ni San Juan Bautista, ay namuhay sa kasalukuyang panahon, hindi natin siya masisi sapagkat mahirap magtiwala sa kasalukuyang panahon. Tiyak na maituturing siyang isang napakagandang halimbawa ng isang taong mapanuri at mapagsaliksik. Hindi siya basta-basta nagtitiwala. Nais niyang malaman na totoo ang kaniyang mga naririnig. Iyon nga lamang, sinumpa siya ng Diyos. Bakit kaya?
"Paano ko po matitiyak na mangyayari ito? Sapagkat ako'y napakatanda na at gayon din ang aking asawa." (Lucas 1, 18). Ang tanong na ito ay binigkas ni Zacarias bilang tugon sa ibinalita sa kaniya ng Arkanghel na si San Gabriel sa Ebanghelyo. Sa tanong na ito na sinundan agad ng isang maikling paliwanag kung bakit niya ito tinanong, si Zacarias ay nagpahayag ng kaniyang kakulangan ng pag-asa sa Diyos. Naghintay siya at ang kaniyang asawang si Elisabet para sa tugon ng Panginoong Diyos sa kanilang mga taimtim at taos-pusong dalangin na pagkalooban sila ng kahit isang anak man lamang sa loob ng napakahabang panahon. Iyon nga lamang, tila hindi tinugunan ng Diyos ang kanilang dalangin sa loob ng napakahabang panahon. Dahil dito, hindi na umasa si Zacarias na silang dalawa ni Elisabet na kaniyang kabiyak ay magkakanak, gaya ng ipinahiwatig ng mga salitang kaniyang binigkas sa anghel sa Ebanghelyo.
Tinanggap ni Zacarias ang katotohanang silang dalawa ng kabiyak niyang si Elisabet ay hindi na magkakaroon ng kahit isang anak man lamang. Bagamat napakasakit ito para sa kaniya, ginawa pa rin niya ito dahil iyon ang realidad tungkol sa mga katulad nila. Ginawa niya ito dahil nawalan na siya ng pag-asang magkakaroon ng anak. Kahit ito ang kaniyang pangarap at hiling sa Diyos, napakalinaw na nawalan na ng pag-asa si Zacarias na matutupad ang hiling niyang ito, lalung-lalo na't napakatanda na silang dalawa ni Elisabet sa mga sandaling yaon. Sumuko na si Zacarias.
Dahil nawalan ng pag-asa si Zacarias na matutupad ang hiling nilang magkabiyak ng puso, marahil ay nakalimutan niya ang himala ng Diyos na itinampok sa salaysay sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong ang Diyos ay gumawa ng isang himala para kina Manoa at sa kaniyang asawa. Biniyayaan Niya sila ng isang anak na lalaki na walang iba kundi si Samson. Ang kapanganakan ni Samson ay isang himala mula sa Panginoong Diyos. Niloob ng Panginoong Diyos na gumawa ng isang milagro para kina Manoa at ang kaniyang asawa sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng isang anak na lalaking si Samson.
Ang ginawa ni Zacarias sa Ebanghelyo ay kabaligtara ng ginawa nina Manoa at ang kaniyang asawa sa Unang Pagbasa at ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sabi ng mang-aawit na itinatampok sa Salmong Tugunan: "Panginoon, sa Iyo ko inilagak ang pag-asa" (Salmo 70, 5). Kaya naman, dahil umaasa siya sa Panginoong Diyos, buong lakas niyang inihayag: "Lagi kong papupurihan ang Iyong kapangyarihan" (Salmo 70, 8a). Hindi ito nagawa ni Zacarias sa Ebanghelyo sapagkat ang kawalan ng pag-asa ay hinayaan niyang manaig sa kaniyang puso at kalooban. Dahil dito, ang Panginoong Diyos na tunay na maaasahan at mapagkakatiwalaan ay pinagdudahan ni Zacarias.
Hindi lahat ng mga tao sa mundong ito ay maaasahan at mapagkakatiwalaan. May mga nagpapalaganap ng mga kasinungalingan at pekeng balita. Subalit, sa kabila ng ingay ng mga nagpapalaganap ng mga kasinungalingan at pekeng balita sa lipunan sa kasalukuyang panahon, may isang tunay na mapagkakatiwalaan at maaasahan sa lahat ng oras - ang Salita ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay tunay na maaaasahan at mapagkakatiwalaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento