Huwebes, Disyembre 21, 2023

MAY SAYA SA PAGHAHANDOG NG SARILI

26 Disyembre 2023 
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1600) The lapidation of Saint Stephen by Hans von Aachen (1552–1615), as well as the actual work of art itself from the Church of St. Stephen in Kraków, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.


Tiyak na ikagugulat ng marami ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang araw na kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay inilaan ng Simbahan para sa taimtim na paggunita sa buhay at kagitingan ng isang napakahalagang tao sa kasaysayan ng Simbahan na walang iba kundi ang unang martir na si San Esteban. Katunayan, ang pagdiriwang para sa araw na ito ay hindi lamang isang paggunita kundi isang Kapistahan, gaya ng nasasaad sa Kalendaryo ng Simbahan ay ating titingnan. Ipinagdiriwang ng Inang Simbahan ang Kapistahang ito taun-taon kapag hindi tumapat sa araw ng Linggo ang ika-26 ng Disyembre. 

Marahil ikagugulat ng nakararami ang pagdiriwang ng Simbahan para sa araw na ito dahil wala pang isang araw matapos ang masayang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay ipinagdiriwang na ng Simbahan ang Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir. Alam rin nating binibigyan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito ang pagkamartir ni San Esteban. Tila wala sa lugar ang pagdiriwang na ito, lalung-lalo na dahil ito ang araw na kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Bakit ito ang ipinasiyang gawin ng Simbahan? 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na mayroong saya sa taos-pusong pag-aalay ng sarili sa Panginoong Diyos. Sa gitna ng anumang panganib sa buhay, ang mga taos-pusong mag-aalay ng sarili sa Panginoong Diyos ay magiging tunay na masaya. Pinatunayan ni San Esteban at ng mga sumunod na Santo at Santa, lalung-lalo na yaong mga martir, ang katotohanang ito. Gaya ng inilalarawan sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa, hindi nagdalawang-isip na magsalita sa mga tao tungkol kay Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, si San Esteban. Buong kagitingan at katapang nagpatotoo tungkol kay Kristo si San Esteban hanggang sa kaniyang huling hininga. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol ang katotohanan tungkol sa pagiging Kaniyang mga tagasunod at saksi. Ang pagsunod at pagsaksi sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi nangangahulugang magiging maginhawa ang buhay ng mga susunod at sasaksi sa Kaniya. Bagkus, marami silang haharaping mga pagsubok, tiisin, at pagdurusa sa buhay. Ipinasa ang aral na ito ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kay San Esteban. Ang aral na ito ay iningatan niya sa kaniyang puso. Hinayaan niyang ito ang maging alab sa kaniyang puso. Dahil dito, hindi siya nagdalawang-isip na ialay ang buo niyang sarili sa Panginoon, kahit sariling buhay ang naging kapalit ng pasiyang ito. Ipinahiwatig ito ng kaniyang mga huling salita bago siya namatay bilang martir na hango sa Salmong Tugunan: "Poon, sa mga Kamay Mo, habilin ko ang buhay ko!" (Salmo 30, 6a). 

Ang pag-aalay ng sarili sa Diyos ay mayroong sayang dulot sa mga tunay at taos-pusong magpapasiyang pumanig sa Kaniya. Ito ay dahil sa Panginoong Diyos lamang nila nasumpungan ang tunay na tuwa, galak, at ligaya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento