21 Disyembre 2023
Ikaanim na Araw ng Simbang Gabi
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) A Visitação by Mattia Preti (1613–1699) and Gregorio Preti (1603–1672), as well as the actual work of art itself from Hampel Auctions, is the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Kung tutuusin, hindi naman kinailangan itong gawin ng Mahal na Birheng Maria. Sa pagitan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni Elisabet, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen mismo ay ang dapat dalawin. Dinadala ng Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno habang dinadala naman ni Elisabet sa kaniyang sinapupunan ang tagapaghanda ng daraanan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na si San Juan Bautista. Isang hamak na lingkod lamang si San Juan Bautista habang si Jesus Nazareno ay ang tunay na Diyos at Hari. Hindi ba't si Maria mismo ang dapat dalawin? Bakit dinalaw ni Maria si Elisabet?
Oo, ang Sanggol na dinadala ng Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan ay higit na dakila kaysa sa sanggol na dinadala ni Elisabet sa kaniyang sinapupunan. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Birheng Maria na dalawin ang kaniyang kamag-anak na si Elisabet upang ihatid sa kamag-anak niyang ito ang galak na kaloob ng Diyos. Ang galak na ipinagkaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno na dala-dala niya sa kaniyang sinapupunan ay hindi sinarili ng Birheng Maria. Bagkus, ipinasiya ng Birheng Maria na ibahagi ito sa kamag-anak niyang si Elisabet. Dahil sa pasiyang ito ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, gumalaw sa tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ni Elisabet (Lucas 1, 44). Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nagpasiyang ibahagi ang galak na nagmumula sa pinakdakilang biyaya ng Diyos na si Jesus Nazareno, kahit na nagdadalantao.
Isinalungguhit sa Unang Pagbasa na tanging sa Diyos lamang nagmumula ang tunay na galak. Ang tunay na galak ay matatagpuan lamang sa tunay na umiibig sa lahat na walang iba kundi ang Diyos. Tunay ngang dakila ang pag-ibig ng Diyos. Nagsisilbing mga sagisag at salamin ng dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga biyayang Kaniyang kaloob sa lahat.
Bagamat nagdadalantao sa mga sandaling iyon, ipinasiya pa rin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na ibahagi kay Elisabet ang galak na ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Sanggol sa kaniyang sinapupunan na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Tinularan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang halimbawa ng mga propetang hinirang ng Diyos sa Lumang Tipan, katulad na lamang ni Propeta Sofonias sa alternatibong Unang Pagbasa. Kahit na sa kaniya iginawad at ipinagkaloob ang karangalan at pananagutan bilang Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno, hindi ito naging dahilan para kay Maria na magmataas at lumaki ang kaniyang ulo. Sa halip na magmataas, ipinasiya pa rin niyang ibahagi sa kaniyang kamag-anak na si Elisabet ang galak na kaloob ng Diyos.
Naglakbay nang napakalayo ang Mahal na Inang si Mariang Birhen upang ibahagi sa kaniyang kamag-anak na si Elisabet ang galak na kaloob ng Diyos. Inihayag niya sa pamamagitan nito na lagi siyang handang ibahagi ang galak na kaloob ng Diyos sa lahat. Handa rin ba tayong gawin ang lahat upang maibahagi ang galak na kaloob ng Diyos katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento