Martes, Disyembre 12, 2023

HINDI KAYANG PAGKASIYAHIN

22 Disyembre 2023 
Ikapitong Araw ng Simbang Gabi 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 

This image from Good News Productions and College Press Publishing was made available through FreeBibleimages with their permission is available through a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivatives 4.0 International License (CC BY-NC-ND 4.0).

Walang sinumang tao sa mundong ito ang may kakayahang ilista ang lahat ng mga dahilan para purihin ang Panginoong Diyos. Hindi natin mabilang ang mga dahilang ito gamit ng ating mga daliri o kaya ng mga listahan dahil sa dami nito. Kahit gumawa pa tayo ng mga listahan, kulang pa ang isa o dalawa. Ang lahat ng mga dahilan kung bakit ang Diyos ay marapat lamang na purihin ay hindi kayang pagkasiyahin sa isang listahan o kaya ng mga libro. Ganyan ang kadakilaan ng Diyos. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ebanghelyo para sa araw na ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit pinupuri ng mga tampok na karakter ang Diyos. Sa Unang Pagbasa, bumalik sa Templo ang ina ni Samuel na si Ana upang mag-alay ng papuri at pasasalamat sa Diyos dahil biniyayaan siya ng isang anak. Buong tuwang bumalik sa Templo si Ana dahil ang kaniyang mga taimtim na panalangin ay dininggin ng Diyos. Ang kaniyang anak na si Samuel ay ang tugon sa kaniyang mga taimtim na dalangin sa Diyos. Nakasentro rin sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ang mga salita sa Salmong Tugunan na hango sa panalangin ng pasasalamat ni Ana sa Diyos. Gaya ni Ana sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan, ang awit ng papuri ni Maria na kilala sa tawag na "Magnificat" ay nakatuon sa ilan lamang sa mga gawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. 

Ang mga inilarawan sa Unang Pagbasa, Salmo, at Ebanghelyo ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit dapat papurihan ang Diyos. Sa totoo lamang, hindi natin kayang pagkasiyahin sa isang listahan lamang o kaya sa isang libro lamang ang mga dahilan kung bakit marapat lamang purihin, pasalamatan, at sambahin ang Diyos. Hindi nga natin itong kayang bilangin gamit ang ating mga daliri o kaya naman gawan ng mga listahan o mga libro tungkol sa paksang ito. Kulang ang mga iyon. 

Kailangan ba nating ilista ang lahat ng mga dahilan kung bakit ang Diyos ay marapat lamang purihin, pasalamatan, sambahin, at dakilain? Sa totoo lamang, hindi. Hindi natin kailangang bumuo ng isang mahabang listahan o magsulat ng maraming mga aklat dahil mapapagod lamang tayo at hindi ito makukumpleto. Oo, makakatulong ito sa pagtupad natin ng ating misyon bilang Simbahan na ipakilala ang Diyos sa lahat ng mga tao. Pero, hindi ito nangangahulugang pagurin natin ang ating mga sarili upang bumuo ng isang napakahabang listahan o libro na hindi naman matatapos. Tandaan, hindi ito katulad ng mga listahan ng mga bagay kailangang bilhin. 

Marapat lamang na purihin, dakilain, pasalamatan, at sambahin ang Diyos. Ang lahat ng mga Kaniyang mga kahanga-hangang gawa mula noon hanggang ngayon at pati rin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na Kaniyang gagawin sa mga susunod pang panahon ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit. Hindi natin ito mabibilang dahil sa dami nito. 

Oo, maraming kahanga-hangang bagay na ginawa ang Panginoong Diyos. Subalit, huwag na nating subukang bilangin ang lahat ng mga ito nang paisa-isa. Hindi natin kayang pagkasiyahan sa isang mahaba-habang listahan o kaya sa maraming mga libro. Kapag sinubukan natin itong gawin, masasayang lamang ang ating mga oras. Ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyano ay samahan ang ating Mahal na Inang si Mariang Birhen at ang lahat ng mga anghel at banal sa taos-pusong pag-aalay ng papuri, pagdakila, pasasalamat, pananalig, at pagsamba sa tunay at nag-iisang Diyos na naghayag ng Kaniyang dakilang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak na ipinagkaloob Niya sa atin bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Tanging Siya mismo ay ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento