Biyernes, Disyembre 29, 2023

KILALANIN ANG TUNAY NA UMIIBIG

2 Enero 2024 
Paggunita sa Dakilang San Basilio at San Gregorio Nasianseno, mga Obispo at pantas ng Simbahan 
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 2, 22-28/Salmo 97/Juan 1, 19-28 


SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official • PABIHIS sa Poong Hesus Nazareno • Dec 14, 2023 (Thursday) (Facebook and YouTube


Kapag hindi tumapat sa araw ng Linggo ang ikalawang araw ng Enero, nakasentro sa tunay na pagkilala sa Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa. Ipinapahayag natin sa pamamagitan ng ating tunay na pagkilala sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang ating taos-pusong pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. Ang mga nananalig, umiibig, at sumasamba sa Kaniya nang taos-puso at nang buong katapatan ay yaong mga kumikilala sa Kaniya bilang tunay na Panginoon, Diyos, Manunubos, at Hari. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng paglago ang ating pamamanata, debosyon, at ugnayan sa Nuestro Padre Jesus Nazareno.

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Juan kung sino ang mga tunay at taos-pusong nananalig, umiibig, at sumasamba sa Diyos. Ang mga kumikilala kay Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay nananalig, umiibig, at sumasamba sa Diyos nang may taos-pusong katapatan hanggang sa huli. Ipinapahayag ng mga kumikilala kay Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ang kanilang pagtanggap sa Diyos na bukal ng lahat ng mga biyaya. Sa pamamagitan nito, binubuksan nila ang kanilang mga sarili sa Kaniya. Pinatotohanan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang tagumpay ng pagliligtas ng Diyos. Ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay mga salitang nagpapakilala sa Diyos bilang ipinangakong Manunubos. Inilarawan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit dapat nating kilalanin at tanggapin ang Diyos nang buong katapatan at nang taos-puso,. Sa Ebanghelyo, buong lakas na inihayag ni San Juan Bautista sa mga tao ang katotohanan tungkol sa kaniyang pagkakilanlan. Kahit mayroon naman siyang pagkakataong angkinin mula sa tunay na Mesiyas na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno na kaniyang kamag-anak ang Kaniyang pagkakilanlan, hindi ito ginawa ni San Juan Bautista. Bagkus, buong kababaang-loob na nagpakatotoo si San Juan Bautista sa mga tao at inaming hindi siya ang Mesiyas kundi ang tagapaghanda lamang ng Kaniyang daraanan. Sa pamamagitan nito, buong linaw na ipinahayag ni San Juan Bautista ang kaniyang taos-pusong pagtanggap at pagkilala sa Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Itinuturo sa atin ng Simbahan sa araw na ito kung ano ang dapat nating gawin bilang mga deboto at namamanata sa Panginoong nagpakasakit para sa atin sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dapat nating kilalanin at tanggapin nang buong katapatan at nang taos-puso ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang ating taimtim na debosyon at pamamanata sa Panginoong Jesus Nazareno ay dapat maging daan pagtungo sa taos-pusong pagkilala at pagtanggap sa Kaniya. 

Hindi dapat tumigil sa pagpunta sa Simbahan ng Quiapo araw-araw, lalung-lalo na tuwing araw ng Biyernes, upang manalangin, magsimba, at maglakad nang paluhod ang taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dapat lumago ito at maging daan patungo sa pagkilala at pagtanggap sa Kaniya nang taos-puso. Ito ay dahil binubuksan ng mga tunay na kumikilala at tumatanggap sa Poong Jesus Nazareno ang kanilang mga sarili sa Kaniya na Siyang tunay na umiibig sa atin nang buong katapatan. 

Ang mga tunay na kumikilala at tumatanggap sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay kumikilala at tumatanggap sa tunay na umiibig. Kinikilala at pinapahalaga nila nang buong puso at nang buong katapatan ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil dito, ang misyong ibinigay sa kanila ng Diyos ay taos-puso nilang tinutupad at sinusunod. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento