5 Enero 2024
Ika-5 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 3, 11-21/Salmo 99/Juan 1, 43-51
Kapag hindi tumapat ang Ikalimang Araw ng Enero sa araw ng Linggo, ang Simbahan ay patuloy na tumatalakay at nagninilay-nilay sa tunay na pagkakilanlan ng Poong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Ano nga ba'ng mayroon sa Banal na Sanggol na ito na si Jesus Nazareno na ipinanganak sa isang sabsaban na kulungan ng mga hayop sa Betlehem? Sa pamamagitan ng taimtim na pagninilay sa tanong na ito habang itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa tunay na pagkakilanlan ng Poong Jesus Nazareno, tinutulungan tayo ng Simbahan na lalo pang palalimin at palaguin ang ating pagkilala sa Poong Jesus Nazareno nang sa gayon ay lalo pang lumalim at lumago ang ating ugnayan sa Kaniya.
"May nagmumula bang mabuti sa Nazaret?" (Juan 1, 46). Ito ang tanong ni Natanael na kilala rin ng marami bilang si Apostol San Bartolome kay Apostol San Felipe bago siya ipakilala sa Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Natuklasan rin ni Natanael na hindi pangkaraniwan ang Nazarenong ipinakilala sa kaniya. Ang Nazarenong si Hesus ay ang Bugtong na Anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas at Hari ng tanan. Isa lamang ang Kaniyang pakay - iligtas ang sangkatauhan. Gaya ng sabi ni Apostol San Juan, dumating si Kristo sa mundo upang iligtas tayo (1 Juan 3, 16). Nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa tanan sa pamamagitan ng pasiyang ito ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang pag-ibig para sa atin, ipinasiya Niya tayong iligtas mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng paghahain ng Kaniyang buong sarili para sa atin.
Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay paanyaya para sa ating lahat na mag-alay ng taos-pusong papuri, pasasalamat, parangal, paggalang, at pagsamba sa Panginoong Diyos dahil sa mga 'di mabilang na kahanga-hangang bagay na Kaniyang ginawa para sa lahat. Katunayan, ang Salmong Tugunan ay isang maikli at detalyadong buod ng mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon. Isinasalamin ng mga kahanga-hangang gawang ito ng Diyos ang Kaniyang dakilang tagumpay bilang Tagapagligtas (Salmo 97, 1k). Sa pamamagitan ng tagumpay na ito, ang Panginoong Diyos ay nagpakilala bilang Tagapagligtas ng tanan. Nang sumapit ang takdang panahon, dumating ang Poong Jesus Nazareno bilang pinakadakilang patunay ng katotohanang ito.
Iniligtas tayo ng Poong Jesus Nazareno dahil tunay Niya tayong iniibig. Pahalagahan nawa natin ang pag-ibig na ito na ipinakita sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng palagiang pagsisikap na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Hindi natin dapat sayangin ang pagkakataong bunga ng dakilang tagumpay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na inihayag Niya sa Kaniyang pag-aalay ng buo Niyang sarili para sa atin. Bagkus, dapat natin itong pahalagahan bilang konkretong patunay ng ating tapat na debosyon sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Magagawa natin ito bilang mga tapat na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng tapat na pakikinig at pagsunod sa Kaniyang mga utos at loobin hanggang sa huling sandali ng ating pansamantalang buhay sa mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento