Huwebes, Disyembre 21, 2023

TUGON SA UNANG UMIBIG

27 Disyembre 2023 
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1445 and 1450) St John the Evangelist by Juan de Juanes (–1579), as well as the actual work of art itself from a Private Collection via the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 


Ano ang tugon natin sa Panginoong Diyos na unang umibig sa atin? Nakasentro sa tanong na ito ang pagdiriwang ng Simbahan para sa araw na ito. Kapag ang araw na ito, ika-27 ng Disyembre, ay hindi tumapat sa isang araw ng Linggo, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita. Sa pag-ibig ng Diyos na inihayag Niya sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Salitang nagkatawang-tao, nakasentro ang patotoo ni Apostol San Juan. Layunin ng manunulat ng Mabuting Balitang si Apostol San Juan na ipakilala sa lahat ang Poong Jesus Nazareno bilang Diyos na mapagmahal. 

Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa sa Diyos ng pag-ibig. Sa pangaral niyang ito na inilahad sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Juan nang buong linaw ang kaniyang pakay at layunin bilang isa sa mga apostol at misyonero ni Kristo. Layunin niyang ipakilala sa lahat ang Poong Jesus Nazareno. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ay kaniyang ibinabahagi sa lahat ng mga lugar na kaniyang pinuntahan. 

Bakit ito ang ipinasiyang gawin ni Apostol San Juan, gaya ng iba pang mga apostol at misyonero? Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay makakatulong sa atin upang lalo pa nating maunawaan ang pasiyang ito ni Apostol San Juan at ng mga kapwa niyang apostol at misyonero. Inihayag nang buong lakas at linaw ng mang-aawit sa Salmo: "Sa Panginoo'y magalak ang masunuri't matapat" (Salmo 96, 12a). Sa pamamagitan ng kaniyang pagtupad sa misyong ito, inihayag ni Apostol San Juan ang taos-puso at tapat niyang pag-ibig, pananalig, at pagsunod sa Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ito ang kaniyang tugon sa Diyos. Mismong si Apostol San Juan ang nagsabi sa isa sa kaniyang mga pangaral: "Umiibig tayo sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin" (1 Juan 4, 19). Tapat at taos-pusong pag-ibig, pananalig, at pagsunod ang tugon at handog ni Apostol San Juan sa pag-ibig ng Diyos. 

Kaya naman, ipinakilala ni Apostol San Juan ang kaniyang sarili sa Ebanghelyo bilang alagad na minamahal ni Jesus Nazareno. Hindi niya binabanggit ang kaniyang sariling pangalan. Bagkus, ang mga salitang "ang alagad na minamahal ni Jesus Nazareno" ay ginamit ni Apostol San Juan upang ipakilala sa lahat ang kaniyang sarili. Nais ituro sa lahat ni Apostol San Juan na magkaiba man ang mga pangalan ng isa't isa, maaari pa rin nilang ipakilala ang kanilang mga sarili bilang mga iniibig ng Diyos. Tayong lahat ay maaaring maging katulad ni Apostol San Juan na tumanggap sa pag-ibig ng Diyos na inihayag Niya sa lahat sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. 

Si Apostol San Juan ay nagpasiyang ibukas ang kaniyang sarili sa pag-ibig ng Diyos at tanggapin ito nang taos-puso. Hinayaan niyang maakit siya sa pag-ibig ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, ipinasiya rin niyang ihandog ang buo niyang sarili sa Diyos bilang kaniyang tugon sa unang nagmahal sa kaniya. Ito ang dahilan kung bakit siya ang minamahal na alagad ni Kristo. 

Gaya ni Apostol San Juan, buksan nawa natin ang ating mga sarili sa dakilang pag-ibig ng Diyos at pahintulutan natin itong baguhin ang ating mga buhay. Tanggapin rin nawa natin ito nang taos-puso. Huwag nawa nating sayangin ang pagkakataong ito mapabilang sa mga iniibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento