30 Disyembre 2023
Ikaanim na Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang
1 Juan 2, 12-17/Salmo 95/Lucas 2, 36-40
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1455) St Columba Altarpiece (detail) by Rogier van der Weyden (1399/1400–1464), as well as the actual work of art itself from the Alte Pinakothek Collection made available through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Isang maikling bahagi ng salaysay ng Pagdadala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ang inilalahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang isang babaeng nagngangalang Ana. Ang kaniyang mga pang-araw-araw na gawain ay inilarawan sa Ebanghelyo. Laging tumutungo sa Templo si Ana upang manalangin at mag-ayuno bilang pagpapahayag ng kaniyang pagsamba sa Diyos. Matapos makita ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na kinalong ni Simeon, nagpasalamat siya sa Diyos at lagi siyang nagsalita tungkol sa Banal na Sanggol (Lucas 2, 37-38). Nagpatotoo siya tungkol sa Poong Jesus Nazareno, sa kabila ng kaniyang katandaan.
Oo, maikli lamang ang deskripsyong ibinigay ni San Lucas tungkol kay Ana. Subalit, kahit maikli, mayroon tayong matututunan mula kay Ana. Mula noong makita niya si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, hindi tumigil si Ana sa pagsasalita sa lahat tungkol sa Kaniya. Lagi niyang bukambibig si Jesus Nazareno. Ito ang ating matututunan mula kay Ana. Huwag magsawa sa pagpapakilala kay Jesus Nazareno. Magpatotoo tayo tungkol sa Kaniya. Ipakilala natin Siya sa lahat at maging mga mabubuting tagaakay at kasama sa paglalakbay patungo sa Kaniya.
Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ni Apostol San Juan kung sino ang dapat nating ibigin nang buong katapatan - ang Diyos. Ang Diyos ay dapat nating handugan ng tapat at taos-puso nating pag-ibig, pananalig, papuri, at pagsamba. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi tayo makakapagtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Ibinigay Niya sa atin ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno upang makapagtagumpay tayo laban sa kasalanan at kamatayan. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay naghatid ng galak sa lahat, gaya ng inilarawan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan.
Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan, dapat nating ipagmalaki at ipakilala sa lahat ang bukal ng tunay na galak na walang iba kundi ang Diyos. Ang Diyos na nagligtas sa atin sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ay naghatid sa atin ng tunay na galak at tuwa. Dapat natin Siyang ipagmalaki at ipakilala sa lahat sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Lagi tayong mamuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin upang maibahagi natin ang tunay na galak na Kaniyang kaloob sa lahat sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo.
Hindi kaloob ng mundong ito ang tunay na galak. Sa Diyos lamang nagmumula ang tunay na galak. Ang pinakadakilang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ito ang dapat nating ipagmalaki.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento