Biyernes, Disyembre 8, 2023

GALAK SA MISYON

17 Disyembre 2023 
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon [B] 
Ikalawang Araw ng Simbang Gabi 
Isaias 61, 1-2a. 10-11/Lucas 1/1 Tesalonica 5, 16-24/Juan 1, 6-8. 19-28 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between circa 1618 and circa 1620) Saint John the Baptist interrogated about Christ by Bernardo Strozzi (1581–1644), as well as the actual work of art itself from the Kedleston Hall through the National Trust via Art UK, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1644. This work of art is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 


Bihira lamang tumapat ang Ikatlong Linggo sa Panahon ng Panginoon o Adbiyento na kilala rin bilang Linggo ng Gaudete o Linggo ng Kagalakan at ang Ikalawang Araw ng tradisyunal na Pagsisiyam o Nobenaryo bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno na kilala nating mga Katolikong Pilipino sa tawag na Simbang Gabi. Subalit, sa tuwing sasapit ang pambihirang pagkakataong ito, isinasalungguhit ng Simbahan ang katotohanang masusumpungan lamang natin ang tunay na tuwa, galak, at kaligayahan sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Hindi pansamantala lamang ang tuwa, galak, at ligayang dulot sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ito ay walang hanggan. Iba ito sa galak na kaloob ng mundong ito na pansamantala lamang. Ang pagdating ng Poong Jesus Nazareno ay magdudulot ng tunay na tuwa, galak, at ligaya sa lahat ng mga hindi magdadalawang-isip na pumanig sa Kaniya nang taos-puso.

Tampok sa Linggong ito, ang Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon o Adbiyento at Ikalawang Araw ng Simbang Gabi, si San Juan Bautista. Sa araw na ito, itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin kay San Juan Bautista upang ipaalala sa atin muli na mayroong galak sa misyon. Ang misyong ibinibigay sa atin ng Diyos ay nagdudulot sa atin ng tunay na galak. Mayroong galak sa pagtupad ng misyong bigay sa atin ng Panginoong Diyos. Oo, napakahirap itong gawin, subalit, ang kapalit nito ay walang iba kundi ang tunay na tuwa, galak, at ligaya na kaloob ng Diyos.

Sa Ebanghelyo, itinapat ni San Juan Bautista sa mga tao ang katotohanan tungkol sa kaniyang pagkakilanlan nang buong kababaang-loob at nang diretsyahan. Hindi siya nagtangkang agawin ang lahat ng karangalang nararapat ibigay sa tunay na Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang kaniyang kamag-anak na si Jesus Nazareno. Batid niya kung ano ang katotohanan tungkol sa kaniyang pagkakilanlan, misyon, at tungkulin. Nasumpungan niya ang tunay na galak sa pagtupad sa misyong bigay ng Diyos sa kaniya. Kaya naman, kahit na nagkaroon siya ng pagkakataong agawin ang lahat ng karangalang nararapat lamang para sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos mula sa tunay na Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagsisinungaling sa madla tungkol sa sarili niya, ipinasiya pa rin ni San Juan Bautista na hindi gawin iyon. 

Nakasentro sa misyon ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang mga salita sa propesiya ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Sa propesiyang ito, inilarawan kung ano ang gagawin ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas sa Kaniyang pagdating. Batid ni San Juan Bautista na hindi tungkol sa kaniya o sa misyong ibinigay ng Diyos sa kaniya ang mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan, gaya na lamang ng tampok sa propesiya sa Unang Pagbasa. Ang mga propesiyang ito ng mga propeta sa Lumang Tipan, gaya ng propesiya ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa, ay tungkol sa kaniyang kamag-anak na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay mula sa Awit o Kantikulo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Kaban ng Bagong Tipan. Sa mga salitang ito, isinalungguhit ang galak na dulot ng pagiging tapat at masunurin sa Panginoong Diyos. Mapapatunayan ng lahat na tunay nga silang tapat at masunurin sa Diyos sa pamamagitan ng taos-pusong pagtanggap at pagtupad sa misyong Kaniyang bigay sa lahat. Kapag ito ang ipinasiyang gawin ng bawat isa sa atin, matatamasa natin ang tunay na galak na kaloob ng Panginoong Diyos. 

Katulad ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo, inilarawan ni Apostol San Pablo na may galak sa pagiging mga saksi at misyonero ng Panginoong Diyos sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Gaano mang kahirap itong gawin, kailangan natin itong gawin upang matamasa natin ang tunay na tuwa, galak, at ligaya sa piling ng Diyos. Hindi ito magiging madali para sa atin dahil hindi tayo magiging ligtas mula sa mga tukso, pagsubok, at pag-uusig sa buhay sa mundo. Subalit, pansamantala lamang ito dahil ang magiging kapalit nito sa huli ay ang tunay na tuwa, galak, at ligayang kaloob ng Diyos sa atin. Tanging sa Kaniya lamang natin ito masusumpungan. 

Mayroong galak sa misyon. Kapag ipinasiya nating tanggapin at tuparin ang misyong ibinigay sa atin ng Panginoon nang buong kababaang-loob, katapatan, at pananalig sa Kaniya hanggang sa huli, matatamasa natin ang tunay na tuwa, galak, at ligaya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento