28 Disyembre 2023
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1624-1627) Massacre of the Innocents by Cornelis Schut (1597–1655), as well as the actual work of art itself from the La Tribune de l'Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Tiyak na iisipin ng nakararami na isang kakaibang Kapistahan ang ipinagdiriwang sa araw na ito, ika-28 ng Disyembre. Kapag hindi tumapat sa isang araw ng Linggo ang nasabing petsa, inilaan ng Simbahan ang nasabing araw para sa Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir. Kilala rin ito ng nakararami sa tawag na Niños Inocentes. Nakasentro sa araw na ito ang mga Banal na Sanggol na walang awang ipinapaslang ni Haring Herodes. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang mga Banal na Sanggol na ito ay ipinapaslang ni Haring Herodes - kasakiman sa kapangyarihan. Dahil sa kaniyang kasakiman sa kapangyarihan, si Haring Herodes ay nagpadala sa kahibangan. Handa siyang gawin ang lahat para sa kapangyarihan.
Itinatampok sa Ebanghelyo ang kaganapang ginugunita ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir. Napakalinaw sa salaysay ng kaganapang ito na inilahad sa Ebanghelyo kung paanong kusang-loob na nagpaalipin si Haring Herodes sa kaniyang kasakiman. Dahil binigyan niya ng pahintulot ang kaniyang kasakiman na maghari sa kaniyang puso, si Haring Herodes ay naglabas ng utos na ipapatay ang lahat ng mga batang lalaki na dalawang taong gulang pababa sa Betlehem at sa mga palibot na pook (Mateo 2, 16). Ayaw bitawan ni Haring Herodes ang kaniyang kapangyarihan at kayamanan dala ng kaniyang posisyon bilang hari. Kaya, ipinasiya niyang isang berdugo.
Buong linaw na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Tayo'y ibong nakatakas nang ang bitag ay mawasak" (Salmo 123, 7a). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang bunga ng biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay inilarawan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Dahil sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus Nazareno, nagkaroon tayo ng tunay na kalayaan. Ang tunay na kalayaan ay hatid ng Diyos sa atin. Pinalaya tayo ng Poong Jesus Nazareno mula sa pagkaalipin dulot ng bitag ng kasamaan at kasalanan. Tayo ay nahulog sa bitag ng kasalanan at kasamaan, subalit ipinasiya ng Diyos na gumawa ng paraan upang tayong lahat ay makaahon, makaalis, at makalaya mula sa bitag na ito. Inilarawan sa pangaral ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa kung paano ito ginawa ng Diyos. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Dahil sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, mayroon tayong kalayaang mamuhay bilang mga anak ng Diyos. Hindi na tayo mga alipin ng kasamaan at kamatayan. Kaya, dapat pahalagahan ang biyayang ito na kaloob sa atin ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento