25 Disyembre 2023
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1751) Adoration of the Angels
by Charles-André van Loo (1705–1765), as well as the actual work of art itself from Brest’s Museum of Fine Arts, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Noong gabi ng unang Pasko, ang mga salitang ito sa Ebanghelyo ay binigkas ng isang anghel ng Panginoong Diyos noong nagpakita siya sa mga pastol na nagbabantay ng kanilang mga tupa sa parang: "Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas" (Lucas 2, 10-11). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ng anghel ang mga biyayang kaloob ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Isang dakilang biyaya mula sa Diyos ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko. Katunayan, ang Banal na Sanggol na ito ay ang pinakadakilang biyaya mula sa Diyos. Ang Banal na Sanggol na ito ay walang iba kundi si Kristo.
Pagsapit ng ika-25 ng Disyembre taun-taon, ipinagdiriwang natin nang buong galak at tuwa bilang Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Poong Jesus Nazareno. Inaalala natin sa araw na ito ng masayang pagdiriwang kung gaano tayo iniibig ng Diyos. Dahil sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila, kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa atin ang pinakadakilang aguinaldo na dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak at ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Hindi mahihigitan o mapapantayan ang aguinaldong ito kailanman.
Kapag ipinagdiriwang ng isang tao ang kaniyang kaarawan, lagi siyang binibigyan ng mga regalo ng kaniyang mga pamilya, kaibigan, at iba pang mga kakilala. Subalit, ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay naiiba. Bagamat ang ika-25 ng Disyembre ay inilaan ng Simbahan upang buong galak at tuwa nating gunitain at ipagdiwang ang pagsilang ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa sabsaban, Siya pa yaong namimigay ng mga regalo sa atin. Ipinagkaloob nga Niya sa atin ang pinakadakilang regalo noong gabi ng unang Pasko, ang gabi ng una Niyang pagdating sa mundo bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, na walang iba kundi ang dakilang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. Nakakapanliit at nakakagulat. Dahil sa pag-ibig Niyang ito, bagamat Siya yaong may kaarawan, niloob pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na regaluhan tayo. Ang regalong ibinigay sa atin ay walang katulad at hinding-hindi ito mapapantayan at mahihigitan kailanman.
Ang mga Pagbasa para sa Hatinggabi ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno ay nakatuon sa pinakadakilang aguinaldong ibinigay. Hindi mahihigitan o mapapantayan man lamang ang aguinaldong ito kailanman dahil ipinagkaloob ito ng Panginoong Diyos. Nagmula sa langit ang aguinaldong ito. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ang biyayang ito ay Kaniyang ipinagkaloob sa atin. Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung ano ang pinakadakilang aguinaldong ito. Ang biyaya o regalo ng Diyos para sa lahat ay isang sanggol na lalaki (Isaias 9, 6). Ipinakilala ng mga salita sa Salmong Tugunan na hango naman mula sa mga salitang ng anghel sa Ebanghelyo ang sanggol na lalaking ipagkakaloob ng Diyos sa lahat - si Kristo (Lucas 2, 11). Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo ang natatanging dahilan kung bakit ipinasiya itong gawin ng Diyos - ang Kaniyang kagandahang-loob (Tito 2, 11). Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos para sa atin, ipinasiya Niyang ipagkaloob si Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria, sa atin bilang pinakadakilang aguinaldo.
Sa Hatinggabi ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, tayong lahat ay inaanyayahan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na magpuri at magpasalamat sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na nagpasiyang ibigay ang buo Niyang sarili sa atin bilang pinakadakilang aguinaldo. Gaya ng sabi sa isa sa mga taludtod sa Salmong Tugunan, ang pasiyang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay isa sa Kaniyang mga dakilang gawa (Salmo 95, 3). Tayong lahat ay inaanyayahang umawit ng mga papuri at pasasalamat nang buong galak kasama ng mga anghel sa Ebanghelyo (Lucas 2, 14). Isa lamang ang kanilang hinahandugan ng mga awit - ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan.
Mayroong regalo para sa atin. Ang regalong ito ay mula sa may kaarawan. Kahit na sarili Niyang kaarawan ang ipinagdiriwang, ipinasiya pa rin Niyang regaluhan tayo. Ito ay ang pinakadakilang regalong ipinagkaloob sa kasaysayan. Hindi mapapantayan o mahihigitan ang kadakilaan ng regalong ito. Ang regalong ito ay walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na ipagkaloob sa atin ang buo Niyang sarili bilang pinakadakilang regalong ating tinanggap dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Isa lamang itong patunay na tayong lahat ay tunay Niyang iniibig, kinaawaan, at kinahahabagan. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin, hindi ipinagkait sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili.
Tayong lahat ay inaanyayahang samahan ang Mahal na Birheng Maria, si San Jose, at ang lahat ng mga anghel at banal sa langit sa paghahandog ng mga awit ng papuri at pasasalamat sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili sa atin bilang pinakadakilang aguinaldo. Sama-sama natin Siyang handugan ng mga awit ng papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kaniya. Handugan rin natin Siya ng taos-pusong katapatan at pananalig.
Isa pong Mapagpala at Maligayang Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento