Sabado, Disyembre 9, 2023

KAKAIBANG PAGKAKATAON

18 Disyembre 2023 
Ikatlong Araw ng Simbang Gabi 
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between circa 1755 and circa 1760) Sueño de San José by Corrado Giaquinto (1703–1766), as well as the actual work of art itself from the Museo Camón Aznar, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


Habang nabubuhay tayo nang pansamantala sa mundong ito, lagi tayong binibigyan ng pagkakataon ng Diyos na baguhin ang ating buhay. Ito ang katotohanang nais ipaalala sa atin muli ng Simbahan sa araw na ito, ang Ikatlong Araw ng tradisyunal na siyam na araw o gabi na inilaan para sa taimtim at puspusang paghahanda ng sarili para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos ay ang Kaniyang paanyaya sa atin na baguhin ang ating mga buhay at tahakin ang landas ng kabanalan. Ninanais ng Panginoong Diyos na baguhin tayo at gawin tayong Kaniyang mga instrumento upang maipakilala Niya sa lahat ang Kaniyang sarili bilang tunay na Diyos at Haring walang hanggan. 

Inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung paanong si San Jose ay naging ama-amahan ng Panginoong Jesus Nazareno sa lupa. Nang mapagtanto niyang dinadala ng Mahal na Birheng Maria na kaniyang makakaisang-dibdib ang pinananabikan ng lahat na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na hinulaan ng mga propeta sa Matandang Tipan sa kaniyang sinapupunan, sa tulong ng anghel ng Panginoon na nagpakita sa kaniya sa isang panaginip, ang pagkakataong ito na bigay sa kaniya ng Diyos ay tahimik niyang tinanggap at sinunod agad. Si San Jose ay hindi gumamit ng mga salita upang ipahayag ang pagtanggap niya sa paanyayang ito ng Diyos na tahakin ang isang 'di-pangkaraniwang buhay na inilaan para sa kaniya. 

Gaya ng mga Israelita, batid ni San Jose na maraming mga propeta sa Lumang Tipan na nagsalita tungkol sa pagdating ng pinakadakilang biyaya ng Diyos na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Isa sa mga dakilang propeta sa Matandang Tipan na nagsalita tungkol sa Mesiyas at Tagapagligtas na ipinangakong ipagkakaloob ng Diyos sa Kaniyang bayan ay si Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Sa propesiya ni Propeta Jeremias na inilahad sa Unang Pagbasa para sa araw na ito, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ipinakilala bilang isang haring dakila. Pati na rin ang mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay nagpatotoo tungkol sa gagawin ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang lahat ng mga ito ay batid ni San Jose. Lingid nga lamang sa kaalaman ni San Jose na may bahagi siya sa dakilang planong ito ng Diyos. 

Tunay nga namang isang naiibang pagkakataon ang ibinigay kay San Jose. Hindi niya akalaing magiging bahagi rin siya ng dakilang planong ito ng Panginoong Diyos bago nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa isang panaginip upang ibalita ito sa kaniya. Sa mga sandaling iyon, puspos siya ng lumbay at pagod sapagkat tila gumuho ang lahat ng kaniyang mga plano at pangarap sa buhay. Labis na nalungkot si San Jose sapagkat hindi na niya makakasama ang kaniyang makakaisang-dibdib na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Iyon nga lamang, lingid sa kaniyang kaalaman na bahagi ito ng plano ng Diyos at mayroon rin siyang papel at bahagi rito. Kakaibang pagkakataon. Nakakagulat ang sorpresang ito. 

Si San Jose ay itinatampok ng Simbahan sa araw na ito upang ituro sa atin kung ano ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyano. Ang ating mga sarili ay dapat nating ibukas sa mga kakaibang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Tayong lahat ay binibigyan ng Panginoon ng mga kakaibang pagkakataong ito na baguhin ang ating mga sarili. Inaanyayahan ng Panginoong Diyos ang bawat isa sa atin na tahakin ang landas ng kabanalan sa pamamagitan ng mga kakaibang pagkakataong ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento