Lunes, Disyembre 11, 2023

GININTUANG SANDALI

20 Disyembre 2023 
Ikalimang Araw ng Simbang Gabi 
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1560) Anunciación del Ángel a María which is attributed to Baltasar del Águila (1540–1599), as well as the actual work of art itself from Museum of Fine Arts of Córdoba, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This said work of art is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 


Kapag pumapasok sa ating mga isipan ang mga salitang "ginto" o "ginintuan," iisipin nating isang mahalagang bagay ang pinag-uusapan. Ito ay bihira lamang makakita ng ginto ang bawat tao. Dahil dito, ang ginto ay isang kemikal na elementong labis na pinahahalagahan ng bawat tao. Hindi ito isang pangkaraniwang bagay lamang. Ang sinumang nagtataglay o nagmamay-ari ng ginto ay agad na itinuturing na mayaman dahil kakaunti lamang ang mga taong nagtataglay ng kemikal na ito. Sinasagisag ng elementong kemikal na tinatawag na ginto ang isang kakaibang uri ng kayamanan. 

Habang papalapit na nang papalapit ang pagsapit ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, itinutuon ng Inang Simbahan ang ating mga pansin sa isang ginintuang sandali sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa buong sangkatauhan, mayroong isang sandaling namumukod-tangi sa lahat. Ang sandaling ito ay napakahalaga dahil ang dakilang plano ng Diyos ay nakasalalay sa magiging kahihinatnan nito. Bagamat tinubos ng Diyos ang babaeng itinatampok sa araw na ito na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen bago siya isilang sa mundo, gaya ng inilarawan sa dogma ng Inmaculada Concepcion, mayroon pa rin siyang kalayaan upang magpasiya para sa kaniyang sarili. Kahit na ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos ang pinakadakilang biyaya ng Kaniyang pagliligtas bago siya isilang sa mundo, si Maria pa rin mismo ang gagawa ng mga sarili niyang pasiya. 

Ang misyong inilaan ng Diyos para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen ay inilarawan sa Unang Pagbasa. Katunayan, hindi ito ang unang pagkakataon sa Matandang Tipan kung saan inilarawan ng Diyos ang misyon ng Mahal na Birheng Maria bago pa man Niya ito ibigay sa Mahal na Birheng Maria. Una itong inihayag ng Diyos matapos ang pagsuway nina Adan at Eba sa Kaniyang utos na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga na nagbibigay ng kaalaman ukol sa kabutihan at kasamaan mula sa puno sa gitna ng Halamanan ng Eden. Bago isilang sa mundong ito, inihayag na ng Diyos ang magiging misyon ni Maria. Subalit, si Maria pa rin mismo ang magpapasiya kung ang tungkulin at misyong ito na ibinigay sa kaniya ng Diyos ay tatanggapin at tutuparin. 

Bagamat hindi lubusang maintindihan ng Birheng Maria kung bakit siya mismo ang itinalaga ng Diyos sa lahat ng mga babae sa mundo para sa napakabigat na tungkulin at misyong ito, ipinasiya pa rin niyang tanggapin at tuparin nang buong kababaang-loob at pananalig ang pananagutang ito. Sa Diyos niyang ipinasiyang ialay ang taos-puso niyang pananalig, pag-ibig, at pag-asa. Inihayag ito ni Maria sa pamamagitan ng kaniyang taos-pusong pagtanggap at pagtupad sa misyong ito na bigay sa kaniya ng Diyos. Pinahalagahan niya ang ginintuang pagkakataong ibinigay sa kaniya ng Diyos upang maipahayag ang taos-puso niyang pag-ibig, pag-asa, pananalig, at pagsamba sa Kaniya na Siyang tunay at walang hanggang dakilang Hari, gaya ng inilarawan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito (Salmo 23, 7k at 10ab). 

Sabi ng Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo: "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi" (Lucas 1, 38). Sa pamamagitan nito, binigyan niya ng pahintulot ang tunay at walang hanggang dakilang Diyos at Hari na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, na dumating upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, pinahintulutan ni Maria na gamitin siya ng Diyos bilang Kaniyang instrumento. Sa pamamagitan rin ng kaniyang pasiyang ito na sumasalamin sa kaniyang kababaang-loob, pag-asa, pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos, ipinasiya ng Mahal na Ina na bigyan ng higit na luwalhati at pagdakila ang Kabanal-Banalang Ngalan ng Diyos. 

Ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na pahalagahan ang bihirang pagkakataong ito na ibinigay sa kaniya ng Diyos upang lalo pa niyang mabigyan ng higit na luwalhati ang Kabanal-Banalang Ngalan ng Panginoon. Dahil sa ginintuang sandaling ito, ang buhay ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nagbago. Sa pamamagitan ng bukod-tanging tungkulin at misyong ibinigay Niya kay Maria, binago ng Diyos ang buhay ni Maria na naging bukas sa biyayang ito na Kaniyang kaloob. 

Nais ng Panginoong Diyos na baguhin ang ating buhay, katulad ng Kaniyang ginawa para sa Mahal na Birheng Maria. Upang maisagawa ng Diyos ang Kaniyang naising ito para sa atin, kailangan nating buksan ang ating mga sarili sa Kaniya, katulad ng ginawa ng Mahal na Birheng Maria. Ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na maging bukas sa pagbabagong ito na dulot ng Diyos dahil pinahalagahan niya ito nang labis. Ang biyayang ito ng Diyos ay atin rin bang pinahahalagahan? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento