29 Disyembre 2023
Ikalimang Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1647) Saint Simeon with the Christ child by Jusepe de Ribera (1591–1652), as well as the original work of art itself in Ickworth, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. Both the reproduction and the actual work of art itself is also available worldwide because the reproduction is part of a collection of reproductions compiled by The Yorck Project and is licensed under the GNU Free Documentation License.
Inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang Ikalimang Araw ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang salaysay ng pagdadala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo upang iharap at ihandog sa Diyos. Bahagi ng salaysay ng Pagdadala sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo ang kantikulo ni Simeon na kaniyang inihayag sa sandaling kinalong niya ang Banal na Sanggol na Siyang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Dalawang salita mula sa kantikulo ni Simeon na bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo ang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito na bahagi ng Oktaba ng Pasko ng Pagsilang. Ang dalawang salitang ito ay liwanag at pangako. Makakatulong ang dalawang salitang ito upang isalungguhit ang natatanging dahilan kung bakit ang Diyos ay nagpasiyang ipagkaloob sa lahat ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na isinilang ng Mahal na Birheng Maria bilang ipinangakong Mesiyas.
Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay ipinakilala ni Apostol San Juan sa kaniyang pangaral bilang tunay na liwanag. Ang mga nagpapasiyang mamuhay ayon sa Kaniyang mga utos at loobin ay namumuhay sa liwanag. Inihahayag ng lahat ng mga tapat at taos-pusong nakikinig at sumusunod sa kalooban ng Diyos ang kanilang pagtanggap sa Kaniya bilang tunay na liwanag. Tunay nga silang pumapanig sa tunay na liwanag na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Gaya ng inihahayag sa Salmong Tugunan: "Magalak ang kalangitan, at daigdig ay magdiwang" (Salmo 95, 11). Dahil sa tunay na liwanag na walang iba kundi ang Panginoong Diyos, ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli ay tunay ngang nagagalak. Nagagalak sila dahil sa Diyos na ipinasiya nilang panigan nang tapat at taos-puso hanggang sa huli. Gaya ng ipinangako ng Diyos, hindi Niya sila pinabayaan, tinalikuran, at nilimot kailanman.
Maging si Simeon ay patotoo sa pagiging tapat ng Diyos sa Kaniyang pangako. Sabi sa Ebanghelyo na ipinangako ng Espiritu Santo kay Simeon na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakita ang ipinangakong Mesiyas na si Jesus Nazareno, ang tunay na liwanag (Lucas 2, 25-26). Tinupad nga ng Diyos ang Kaniyang pangakong ito. Ang tunay na liwanag at katuparan ng pangako ng Diyos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay nakita ng kaniyang mga mata. Dahil dito, napuspos ng galak ang puso ni Simeon. Hindi nakakalimot ang Diyos. Ipinagkaloob Niya sa atin ang tunay na liwanag na magliligtas sa atin - ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ang tunay na liwanag na si Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang patunay na hindi nakakalimot ang Diyos sa Kaniyang pangako. Lagi Niyang tinutupad ang mga ito. Isa lamang itong patunay ng Kaniyang katapatang walang maliw. Kaya, marapat lamang ihandog sa Panginoong Diyos ang ating mga sarili nang may taos-pusong katapatan, pananalig, pag-ibig, at pagsamba sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento