25 Disyembre 2023
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway]
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1630 and 1672) Nativity by Abraham Willemsens (1605–1672), as well as the actual work of art itself from Christie's Online Auction 17 Nov - 8 Dec 2021, lot 163, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Nakasentro sa pasiya ng mga pastol na magtungo sa Betlehem upang dalawin at sambahin ang bagong silang na Mesiyas ang pagdiriwang ng Simbahan sa bukang-liwayway ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Katunayan, ang Ebanghelyo para sa madaling-araw ng Pasko ay tungkol sa pasiyang ito ng mga pastol. Bilang tugon sa Mabuting Balita tungkol sa katuparan ng pangako ng Panginoong Diyos sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng bagong silang na Manunubos na ibinahagi sa kanila ng isang anghel ng Panginoon na dumalaw sa kanila sa parang noong gabing yaon, at matapos marinig ang mga awit ng papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Diyos mula sa mga koro ng mga anghel sa langit, ipinasiya ng mga pastol na pansamantala munang umalis mula sa parang at tumungo sa bayan ng Betlehem upang dalawin ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria.
Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng mga pastol na umalis muna mula sa parang at magtungo sa Betlehem, gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo, ay inilarawan sa Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbitaw ng pangako sa Kaniyang bayan. Darating Siya upang tubusin ang Kaniyang bayan. Inihayag naman ni Apostol San Pablo ang tanging dahilan kung bakit ipinasiya itong gawin ng Diyos. Tayong lahat ay ipinasiyang iligtas ng Diyos dahil sa Kaniyang kagandahang-loob at pag-ibig (Tito 3, 4). Kaya naman, ang paanyaya ng mang-aawit sa Salmong Tugunan na magdiwang, magpuri, at magalak habang ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay ating ginugunita (Salmo 96, 1. 12).
Sa pamamagitan ng pasiyang ito ng mga pastol na magsitungo sa Betlehem upang dalawin at sambahin ang bagong silang na Sanggol na si Jesus Nazareno, inihayag nila nang buong linaw ang kanilang pag-asa sa Panginoong Diyos. Napakalinaw na umaaasa sa Diyos ang mga pastol na ito. Lagi nilang inaalay sa Panginoong Diyos ang kanilang taos-pusong pananalig at pag-asa sa Kaniya. Batid ng mga hamak na pastol na ito na hindi sila bibiguin ng Diyos kailanman. Kahit hindi sila bahagi ng mga mayayaman sa lipunan, hindi sila nawalan ng pananalig at pag-asa sa Diyos.
Kaya naman, sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo, ang mga pastol ay umalis nang buong galak (Lucas 2, 20). Sa kanilang pagbabalik sa parang, napuspos ng galak ang mga pastol. Ang Diyos ay buong galak nilang binigyan ng papuri at pasasalamat dahil sa Kaniyang katapatan na nahayag sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Ipinahayag ng mga pastol sa pamamagitan ng kanilang paghahandog ng papuri at pasasalamat nang buong galak ang katapatan sa Diyos. Maaari ring ituring ito na isang paanyaya sa lahat na laging purihin, pasalamatan, at sambahin ang Diyos dahil tanging Siya lamang at wala nang iba pa ang tunay na matapat.
Hindi isang kathang-isip lamang ang katapatan ng Diyos. Tunay nga Siyang matapat sa lahat. Walang sandaling hindi naging tapat ang Diyos. Laging tinutupad ng Diyos ang lahat ng mga pangakong binitiwan bilang katibayan ng katapatan Niyang walang maliw. Ito ang katotohanang napagtanto ng mga pastol noong dumalaw sila sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Nang mapagtanto nila ang katotohanang ito, buong galak nilang hinandugan sa Banal na Sanggol ang buo nilang sarili sa Kaniya. Bukod pa roon, umuwi silang nagpupuri, nagpapasalamat, at sumasamba sa Diyos.
Dumating sa mundo ang Poong Jesus Nazareno noong gabi ng unang Pasko upang ipaalala sa ating lahat na hindi nakakalimot ang Diyos. Kapag ang Diyos ay nagbitaw ng isang pangako, hindi Niya ito lilimutin kailanman. Tutuparin Niya ito sa panahong Siya mismo ang nagtakda. Ito ang dahilan kung bakit lagi natin Siyang maaasahan at mapagkakatiwalaan. Marapat rin lamang nating ihandog ang buo nating sarili sa Kaniya, gaya ng mga pastol na dumalaw sa Kaniya noong gabi ng unang Pasko.
Ipinasiya ng mga pastol na magtungo sa Betlehem upang dalawin at sambahin ang bagong silang na Sanggol na si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, inihayag nila ang kanilang pag-asa sa Panginoong Diyos. Ang kanilang pagpapahalaga, pagsamba, pananalig, at pag-asa sa ipinangakong Mesiyas ay inihandog nila sa Kaniya. Katulad ng mga pastol, taos-puso rin nawa nating ialay sa Sanggol na si Jesus Nazareno ang taos-puso nating pag-asa, pagsamba, pag-ibig, pananalig, at katapatan sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento