Huwebes, Enero 4, 2024

SUSUNDIN BA NATIN SIYA?

7 Enero 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoong Jesus Nazareno 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 16th century) Adoración de los Reyes Magos by Francesco Bassano the Younger (1549–1592), as well as the original work of art itself from the Museo del Prado collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States of America, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.


Nang dumating sa Herusalem ang mga Pantas mula sa Silangan, ang kanilang unang itinanong sa lahat ay: "Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Hudyo? Nakita namin sa Silangan at naparito kami upang sambahin Siya" (Mateo 2, 2). Ang paglalakbay ng mga Pantas na nagmula sa Silangan patungo sa Betlehem upang hanapin, dalawin, at sambahin ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay ang sentro ng solemneng pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, ang unang Linggo pagkalipas ng Bagong Taon. Katunayan, ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa kaganapang nais bigyan ng pansin, pagnilayan, at ipagdiwang ng Simbahan sa araw na ito. Bagamat dayuhan ang turing sa kanila, ang mga Pantas na mula sa Silangan ay nagpasiyang maglakbay nang napakalayo patungo sa Betlehem upang dalawin at sambahin ang tunay at walang hanggang Haring si Jesus Nazareno. 

Ang mga salitang ito na binigkas ng mga Pantas na mula sa Silangan nang dumating sila sa Herusalem ay napapanahon rin sapagkat ang tema ng Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno para sa taong 2024 ay "Ibig naming makita si Hesus" (Juan 12, 21). Katulad ng mga Pantas na nagpasiyang maglakbay patungong Betlehem upang dalawin at sambahin ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, kahit na isa itong napakahabang paglalakbay dahil napakalayo ng Betlehem mula sa lugar o pook na kanilang pinanggalingan, ang mga nagbigkas ng mga salitang ito ay mga dayuhan rin. Mga Griyego ang nagbigkas ng mga salitang ginamit bilang tema para sa Kapistahan ng Nazareno (Juan 12, 20). Bagamat itinuturing silang mga dayuhan ng mga Israelita, ibig pa rin nilang makita ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang dahilan ng kanilang paglalakbay nang napakalayo at napakahaba mula sa kani-kanilang mga pinagmulan ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ipinapaalala sa atin ng maringal na pagdiriwang ng Simbahan para sa araw na ito, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, na para sa lahat ang dakilang biyaya ng pagliligtas na kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Hindi lamang Siya Mesiyas at Manunubos ng isang lahi, bayan, bansa, o pangkat ng mga tao ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, Tagapagligtas Siya ng lahat ng mga tao. Kaya naman, ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay pinahintulutan ng Diyos na dalawin Siya ng mga dayuhan, ang mga Pantas mula sa Silangan. 

Maituturing na isang alok at paanyaya para sa mga Pantas ang Tala ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng talang ito, inanyayahan ng Panginoong Jesus Nazareno ang mga Pantas na ito dalawin Siya, kilalanin Siya, at sambahin Siya bilang tunay at walang hanggang Hari. Ang dahilan kung bakit ito ang naging pasiya ng Poong Jesus Nazareno ay inilarawan sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na kagandahang-loob ng Diyos ay ang bukod-tanging dahilan kung bakit ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas ay para sa lahat, Hudyo man o Hentil. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, niloob Niyang ipagkaloob sa lahat ang dakilang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, tinupad ng Panginoong Diyos ang pangakong binitiwan Niya sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Darating sa Kaniyang bayan ang Kaniyang liwanag. 

Tayong lahat ay inaanyayahan ng Banal na Sanggol ng Betlehem na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno na dalawin, kilalanin, parangalan, at sambahin Siya bilang tunay na Hari, Mesiyas, at Manunubos. Inilarawan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan kung paano natin ito magagawa. Paglingkuran natin ang Poong Jesus Nazareno nang buong puso, pananalig, at katapatan sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa (Salmo 71, 11). Sa pamamagitan nito, isinasabuhay natin bilang Kaniyang mga deboto ang ating debosyon at pamamanata sa Kaniya. Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, kalulugdan tayo ng Poong Jesus Nazareno. 

Sinundan ng mga Pantas ang Tala ng Poong Jesus Nazareno. Gaya ng mga Pantas, ang landas patungo sa Poong Jesus Nazareno ay susundan rin ba natin? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento