19 Enero 2024
Biyernes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 24, 3-21/Salmo 56/Marcos 3, 13-19
SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official • 7PM #OnlineMass • 12 January 2024 • FRIDAY #QuiapoDay (Facebook and YouTube)
"Poon, kami'y kaawaan at lagi Mong kahabagan" (Salmo 56, 2a). Inilarawan sa mga salitang ito mula sa tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang temang nais bigyan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno, sa tulong ng mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa habag at awa ng Diyos nakasentro ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan na mapalad tayong lahat dahil ang Diyos ay tunay ngang maawain at mahabagin.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes ay nakasentro sa habag at awa. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na mayroon tayong misyon at tungkulin bilang mga Kristiyano. Bilang mga Kristiyano, tungkulin nating ipakilala ang Diyos bilang Panginoon at Haring maawain at mahabagin. Ito ang dahilan kung bakit muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang katotohanang ito. Dapat nating ibahagi sa kapwa-tao ang habag at awa ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, si David ay nagpakita ng awa kay Haring Saul na walang ibang hinangad at binalak kundi ipapatay si David. Bagamat nagkaroon ng pagkakataon si David na si Haring Saul ay patayin, ipinasiya pa rin ni David na magpakita ng awa sa kaniya sa pamamagitan ng pagputol sa laylayan ng kaniyang kasuotan. Ang hangarin ni Haring Saul ay patayin si David upang hindi siya mapalitan bilang hari. Subalit, hindi iyon ang hinangad ni David. Kahit siya yaong inatasan upang maging kasunod ni Saul bilang hari ng Israel, hindi niya binalak patayin si Saul kailanman upang mapabilis ang pagluklok sa kaniya bilang hari. Sa Salmong Tugunan, ang mang-aawit ay nagpatotoo tungkol sa habag at awa ng Diyos. Ang kaniyang dalangin ay isang patotoo ng habag at awa ng Diyos. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagkahirang ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa labindalawang alagad, kabilang na rito si Hudas Iskariote na tatalikod at magkakanulo sa Kaniya. Ang pagkahirang ng Poong Jesus Nazareno sa labindalawa, lalung-lalo na sa magkakanulo sa Kaniya na si Hudas Iskariote, ay bunga ng Kaniyang walang hanggang habag at awa na tunay ngang dakila.
Dahil sa habag at awa ng Diyos, dumating ang Poong Jesus Nazareno upang iligtas tayo sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. Hindi ipinagkait sa atin ng Diyos ang Kaniyang habag at awa. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno nga mismo ay ang pinakadakilang larawan ng habag at awa ng Diyos para sa atin. Kaya naman, bilang mga Kristiyanong kinaawaan at kinahabagan ng Diyos, ang Kaniyang habag at awa ay dapat nating ibahagi at ipalaganap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento