14 Enero 2024
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
1 Samuel 3, 3b-10. 19/Salmo 39/1 Corinto 6, 13k-15a. 17-20/Juan 1, 35-42
"Handa Akong naririto upang sundin ang loob Mo" (Salmo 39, 8a at 9b). Inilahad sa mga salitang ito ang temang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito. Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa mga salitang ito na nakasentro sa kalooban ng Diyos. Katunayan, ito ang natatanging dahilan kung bakit dumating sa mundong ito ang Panginoong Jesus Nazareno. Nang sumapit ang takdang panahon, niloob ng Diyos na dumating sa mundong ito upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno.
Isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang pagkahirang ng Panginoon kay Samuel. Bagamat ang Panginoong Diyos ay hindi nakilala ng batang si Samuel sa mga unang pagkakataong tinawag siya, hindi ito naging dahilan para sa Panginoong Diyos na tawagin at hirangin ang batang ito para sa isang napakahalagang misyon at tungkulin. Kahit bata pa noon si Samuel, mayroong nakalaang misyon para sa kaniya. Buong akala ng batang si Samuel na ang saserdoteng si Eli ang tumatawag sa kaniya noong una. Subalit, sa tulong na rin ni Eli, nakilala ni Samuel ang Diyos at binuksan ang buo niyang sarili sa Diyos at sa Kaniyang kalooban.
Sa Ebanghelyo, itinuro at ipinakilala ni San Juan Bautista ang Poong Jesus Nazareno bilang Kordero ng Diyos (Juan 1, 36). Ang misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay inilarawan ni San Juan Bautista sa pamamagitan ng mga salitang ito. Oo, maikli, ngunit detalyado. Kahit limang salita ang ginamit ni San Juan Bautista sa talatang ito kung saan ipinakilala si Jesus Nazareno bilang Kordero ng Diyos, detalyado pa rin ang paglalarawan ni San Juan Bautista ng misyon at tungkuling ito ni Jesus Nazareno. Isa lamang ang dahilan kung bakit dumating ang Poong Jesus Nazareno sa mundong ito - maging Kordero ng Diyos. Bilang Kordero ng Diyos, buong sarili ay iaalay ng Poong Jesus Nazareno para sa ikaliligtas ng sangkatauhan.
Dahil sa biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus Nazareno, ang Kordero ng Diyos, ipinagkaloob rin sa atin ng Diyos ang biyayang maging bahagi ng Katawan ni Jesus Nazareno, gaya ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Kaya naman, ang pakiusap ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa lahat ng mga Kristiyano ay maging banal. Ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang biyayang maging bahagi ng Katawan ni Kristo dahil ito mismo ang Kaniyang niloob para sa atin noon pa mang una. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan nang sa gayon ay gawin tayong bahagi ng Kaniyang Katawan dahil ito ang Kaniyang nais noon pa mang una. Gaya ng sabi sa isa sa mga awiting ginagamit ng mga koro bilang Pambungad na Awit sa Misa sa mga Linggo sa Karaniwang Panahon: "Sinauna Mong hangarin ang tao ay tubusin" (mula sa unang taludtod ng "Bayan, Magsiawit Na!").
Niloob ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan. Kaya, ipinasiya Niyang ipagkaloob sa atin ang Kordero ng Diyos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Hindi Niya hinangad at niloob kailanman na mapahamak ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan. Bagkus, niloob ng Diyos na tubusin sila. Dahil dito, dumating sa mundong ito ang Kordero ng Diyos na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento