Sabado, Enero 6, 2024

IBIG NGA BA NATING MAKITA SI JESUS NAZARENO?

9 Enero 2024 
Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch • 5AM #OnlineMass • 04 January 2024 (Thursday) Weekday of the Christmas Season (Facebook and YouTube


"Ibig po naming makita si Hesus" (Juan 12, 21). Ang mga salitang ito ay buong linaw na binigkas ng mga Griegong nagtungo sa Herusalem para sa Pista ng Paskuwa kay Apostol San Felipe. Bagamat mga dayuhan sila, ipinahiwatig ng mga salitang ito na buong linaw nilang binigkas kay Apostol San Felipe na marami silang narinig tungkol sa Nazarenong nagngangalang Hesus na kilala ng nakararami noon dahil sa Kaniyang talino at husay sa pagbabahagi ng Kaniyang karunungan sa mga tao. Sa konteksto ng mga salitang binigkas ng mga Griego, nais nilang makita si Hesus upang marinig ang Kaniyang mga pangaral at matuto sa Kaniya. Kahit na sila'y mga dayuhan, ang mga puso at isipan ng mga Griegong ito ay bukas sa mga aral ni Hesus. 

Tiyak na lingid sa kaalaman ng mga Griegong ito na ang mga salitang ito na kanilang binigkas sa isa sa mga apostol na si Apostol San Felipe ay pagtutuunan ng pansin at pagninilayan bilang tema para sa Kapistahan ng Panginoong Hesukristo sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang mga salitang ito na binigkas ng mga Griego kay Apostol San Felipe sa ika-12 kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan ay ipinasiyang gamitin at bigyan ng pansin ng Simbahan ng Quiapo bilang tema para sa Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno para sa kasalukuyang taon, 2024. Sa pamamagitan nito, tinutulungan ng buong Simbahan, hindi lang ang mga pamunuan ng Simbahan ng Quiapo, ang lahat ng mga deboto at namamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno sa paglago ng debosyon at pamamanata sa Kaniya. Hindi lamang ito tuwing sasapit ang Pista ng Nazareno na ipinagdiriwang taun-taon tuwing sasapit ang ikasiyam na araw ng Enero kundi sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa.

Nakasentro sa mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos ang mga Pagbasa para sa Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay pinaalalahanan ng Simbahan kung ano ang dapat nating gawin bilang mga  Kristiyanong nagdedebosyon at namamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno nang buong katapatan. Lagi nating dapat alalahanin ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos sa lahat ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Gaya ng inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan nang buong lakas, sigla, linaw, at tiwala: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng Diyos" (Salmo 77, 7k). 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa mga Israelita ang biyaya ng kagalingan sa pamamagitan ng ahas na tanso. Iniutos ng Panginoong Diyos si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso na nakasabit sa isang tikin upang gumaling at makaligtas mula sa kamatayan ang sinumang tumingin dito, kahit na tinuklaw sila ng makamandag na ahas (Mga Bilang 21, 8-9). Bagamat hindi sila karapat-dapat dahil sa ginawa nilang pagkalimot sa mga ginawa ng Diyos para sa kanila, ipinasiya pa rin ng Diyos na kahabagan at patawarin sila. Ang ahas na tanso ay sagisag ng habag, pag-ibig, at awa ng Diyos para sa Kaniyang bayan. Sa Ikalawang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa pinakadakilang gawa ng Diyos na sumasalamin sa kadakilaan ng Kaniyang biyaya, kagandahang-loob, awa, habag, pag-ibig, at kabutihan para sa buong sangkatauhan. Ipinagkaloob ng Diyos sa lahat bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Panginoong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ang misyong ito ay buong kababaang-loob na tinupad ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, inilarawan ang dahilan kung bakit ipinasiya itong gawin ng Diyos nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Isa lamang ang dahilan - ang Kaniyang dakilang pag-ibig. 

Ano naman ang ugnayan ng hindi pagkalimot sa mga dakilang gawa ng Diyos, lalung-lalo na ang pinakadakilang gawa ng Diyos na sinasagisag ng bawat imahen ng Poong Jesus Nazareno, at ang hangaring makita Siya? Kababaang-loob. Ito ang susi upang tunay nga nating makita si Jesus Nazareno. Hindi makikita ng bawat isa sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno kung wala tayong kababaang-loob. Sinasagisag ng kababaang-loob ang taos-pusong pananalig, tiwala, pag-ibig, at pagsamba sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tunay at taos-puso ang pagtanggap at pagkilala ng mga mayroong kababaang-loob ang Panginoong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos at Hari magpakailanman. Ang kalooban ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay taos-puso ring tinatanggap at sinusunod ng mga may kababaang-loob. Ito ay isang patunay na tapat at taos-puso ang pagtanggap at pagkilala sa Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos, Hari, Panginoon, at Manunubos. 

Kung tunay nga nating ibig makita si Jesus Nazareno, magkaroon tayo ng kababaang-loob. Noong dumating sa mundong ito ang Poong Jesus Nazareno bilang Mesiyas at Manunubos na ipinangakong ipagkakaloob ng Diyos, hindi Siya namuhay bilang isang pinunong mapagmataas. Bagkus, namuhay Siya nang may kababaang-loob. Ito ang dapat nating gawin bilang Kaniyang mga tapat na deboto. Sa pamamagitan nito, ang taos-puso nating pananalig, pagsamba, pagkilala, pagtanggap, pagsunod, debosyon, at pamamanata sa Kaniya na nag-alay ng sarili para sa ating ikaliligtas dahil sa pag-ibig Niyang tunay ngang dakila at kahanga-hanga ay ating mahahayag. 

VIVA NUESTRO PADRE JESUS NAZARENO!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento